Nagawa pang maisugod sa ospital bago tuluyang bawian ng buhay ang dalawang Grade 8 students matapos pagsasaksakin ng tatlo pang estudyante sa kahabaan ng Balikatan Street, Barangay CAA sa Las Piñas City noong Abril 11, 2025.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Sabado, Abril 12, 2025, nasa labas ng paaralan ang mga biktima nang maganap ang krimen.
Sa panayam ng media sa Investigator-On-Case na si PSSg Neptali Maliclic, bigla umanong inatake ng mga suspek ang dalawang biktima.
"Inatake sila suddenly and unexpectedly unang tinamaan yung isa sa mga victim natin (pinsan na nagsundo lang) sa left neck niya lateral neck so naitakbo siya sa hospital but he was… pronounced dead," ani Maliclic.
Lumalabas din umano sa imbestigasyon na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang isa sa mga biktima at ang isang 15-anyos na Grade-9 student na suspek sa CR ng kanilang paaralan. Napag-alamang Child in Conflict with the Law (CICL) ang naturang suspek.
Ang CICL ay tumutukoy sa isang menor de edad na minsan nang inakusahang lumabag sa batas.
"Dahil lang sa ilaw sabi ng isa sa mga witnesses natin, nagkasagutan sila dahil itong isa sa mga biktima pinapatay-sindi yung ilaw so dahil ang isa sa mga CICL natin ay ahead ng isang taon, probably he felt we were assuming that he felt offended at nagkaroon sila ng sagutan," saad ni Maliclic.
Samantala, agad namang nai-turn over ang mga suspek sa mga awtoridad sa pakikipagtulungan ng kani-kanilang mga magulang.
Patuloy pa raw ang imbestigasyon kung homicide o murder ang kasong posibleng ipataw sa mga menor de edad na suspek.