Binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang common law partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña matapos ang naging pahaging nito sa isyu umanong ng kidnapping sa bansa.
Sa press briefing nitong Biyernes, Abril 11, 2025, tahasang sinagot ni Castro ang naturang pahayag ni Honeylet kamakailan.
“Hindi po ginagawa na katatawanan ang isang ganitong klaseng sitwasyon. Kaya kay Ms. Honeylet Avancena, huwag n’yo pong gawin na isyu dahil may buhay po ditong nakasalalay. May mga buhay na nawala. Huwag n’yong gawing isyu ito at gawin n’yong katatawanan ang gobyerno. Hindi natin malaman kung bakit naging ganoon ang attitude ni Ms. Honeylet,” ani Castro.
Siniguro din ni Castro na mabibigyan umano ng pamahalaan ng hustisya ang mga biktima ng krimen sa bansa.
“Bibigyan natin ng hustisya ang dapat bigyan ng hustisya at hindi po natin hahayaan na mangyaring muli ang naganap sa mga naging biktima ng EJK,” saad ni Castro.
Inungkat din ni Castro ang umano’y naging kaso ng Extra Judicial Killing (EJK) sa panahon ni Duterte na hindi aniya mauulit sa panahon ni PBBM.
“Kaya muli ipinapanawagan po natin kay Ms. Honeylet Avancena, ‘Huwag na po sanang muling mamutawi sa inyong bibig ang mga ganitong klase ng pananalita.’ Dahil hindi rin po natin gugustuhing i-congratulate ang dating Pangulong Duterte sa mga nagawa pong EJK, dahil buhay po ang pinag-uusapan dito,” aniya.