Naglabas ng show cause order si Senate President Chiz Escudero para kay Special Envoy on Transnational Crime Ambassador Markus Lacanilao, na kinontempt ng komite ni Senador Imee Marcos dahil sa umano’y pagsisinungaling sa pagdinig hinggil sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“The Committee on Foreign Relations in its hearing on 10 April 2025, upon motion of Senator Ronald "Bato” Dela Rosa, duly seconded by Chairperson Imee R. Marcos, has voted Ambassador Markus V. Lacanilao in contempt, for testifying falsely and evasively,” nakasaad sa contempt order si Escudero.
Binibigyan si Lacanilao ng limang araw upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat arestuhin o idetine Office of the Sergeant-at-Arms.
Ang naturang show cause order para kay Lacanilao ay inilabas isang araw matapos ang naging pahayag ni Marcos nitong Huwebes ng gabi, Abril 10, kung saan iginiit niyang hindi umano nilagdaan ni Escudero ang contempt order at iniatas pa ang pagpapalaya rito mula sa detention facility.
MAKI-BALITA: SP Chiz, ‘di pinirmahan contempt order vs Ambassador Lacanilao; pinalaya agad – Sen. Imee
Matapos ang naging pahayag ni Marcos, hinimok siya ni Escudero na iwasan umanong gamitin ang Senado bilang plataporma para sa "personal political objectives" nito.
MAKI-BALITA: SP Chiz hinimok si Sen. Imee na iwasang gamitin ang Senado para sa 'personal political objectives' nito
Matatandaang sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs hinggil sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, Abril 10, ipina-contempt ni Dela Rosa si Lacanilao matapos ang umano’y kuwestiyonableng mga sagot niya.
MAKI-BALITA: Ambassador Lacanilao ipina-contempt ni Sen. Bato: ‘You’re lying!’