Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang reelectionist Mayor ng Silang, Cavite na si Atty. Kevin Anarna matapos ang umano’y mahalay na pahayag niya sa isang campaign event.
Sa inilabas na show cause order ng Komisyon, nais umano nilang pagpaliwanagin si Anarna hinggil sa kaniyang naging pahayag sa isang matanda at sa mga solo parents noong Marso 29, 2025.
“Kanina ‘di ko na mabilang kung ilan ang kumurot sa puwet ko. Mayroon pa kanina si lola. Alam niyo, first time ko nangyari ‘to sa kampanya. Si lola nilap*** pa ako,” ani Anarna.
Isang pahayag din niya ang hindi nagustuhan ng Comelec hinggil sa pagpapa-raffle umano sa mga solo parents.
“Sino dito ang mga solo parents? Bakit parang dumami ang solo parents? Kasi lahat ng solo parents bibigyan natin ng libreng asawa. Ang gagawin natin lahat ng balong lalaki at lahat ng balong babae ira-raffle na lang natin ‘yan ha? Pasensyahan na lang tayo kung kanino kayo mapupunta kasi pagkabunot ng pangalan n’yo diretso kasal kay Mayor Kevin,” aniya.
Samantala, giit ng Comelec, posible umanong lumabag si Anarna sa COMELEC Resolution No. 1116 o Anti-Discrimination and Fair Campaigning guidelines for purposes of the 12 May 2025 National and Local Elections and BARRM Parliamentary Elections.
Saad pa ng Comelec, "In view of the foregoing, you are hereby ordered to Show Cause in writing within a non-extendible period of three day from receipt thereof and to explain why a complaint for election offense and/or a petition for disqualification should be filed against you."
Matatandaang kamakailan lang nang maglabas din ng show cause order ang Comelec laban sa ilan pang kandidatong tumatakbo sa mga lokal na posisyon para naman sa mga malalaswa umano nilang pahayag at maging sa isang campaign jingle.
BASAHIN: Atty. Ian Sia, pinagpapaliwanag ulit dahil sa pahayag niya patungkol sa kaniyang babaeng assistant
BASAHIN: Comelec, pinagpapaliwanag si MisOr Gov. Unabia sa pahayag nito ukol sa mga nurse, Moro
BASAHIN: 'Cookie ni Mocha' sinita ng Comelec; sexually suggestive daw!