Tahasang iginiit ni Honeylet Avanceña–common law partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte–na hindi raw siya naniniwala sa imbestigasyong ginagawa ni Sen. Imee Marcos hinggil sa pagkakaaresto ng dating Pangulo.
Sa ambush interview ng media at ilang vloggers kay Honeylet nitong Biyernes, Abril 11, 2025, iginiit niyang “pa-ek-ek” lamang daw ito ni Imee.
Nang tanungin siya hinggil sa hustisyang maaari umanong makuha ni Duterte mula sa imbestigasyon sa Senado, sagot ni Honeylet, “Ah sa Senate? Paano na lang yun… Pa-ek-ek na lang yun!”
“Hindi ako naniniwala sa kanya [Sen. Imee Marcos]... Tanong siya na 'ano ba talaga nangyari?' Hindi ba niya nakita kung ano nangyari?” ani Honeylet.
Matatandaang nagkaroon na ng tatlong pagdinig si Sen. Imee sa Senado upang imbestigahan at alamin kung sino umano ang nasa likod ng sinasabi niyang ilegal daw na pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte.
Noong Marso 11, nang tuluyang maaresto si dating Pangulong Duterte sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol) nang magbaba ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) at makipagtulungan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO