“Handang-handa ako kahit anong mangyari…”
Binigyang-diin ng self-confessed drug lord at Albuera, Leyte, mayoral aspirant na si Rolan "Kerwin" Espinosa na handa siyang tumestigo sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga pulis umanong sangkot sa war on drugs upang mabigyan daw ng hustisya ang kaniyang ama.
Sinabi ito ni Espinosa sa panayam ng mga mamamahayag na inilabas ng News5 nitong Biyernes, Abril 11, matapos siyang makalabas ng ospital mula sa pagkakabaril habang nangangampanya nitong Huwebes ng hapon, Abril 10.
MAKI-BALITA: Kerwin Espinosa, binaril habang nangangampanya sa Leyte
“Sa ngayon, sa nangyari sa akin, handang-handa akong [tumestigo] kahit na anong mangyari, lalo na para mabigyan ng hustisya ang aking ama na pinatay sa loob ng selda na walang kalaban-laban,” aniya.
Sinabi rin ni Espinosa sa isa namang Facebook live na ipagpapatuloy niya ang mga plano ng kaniyang ama para sa mga residente ng Albuera.
Matatandaang noong Agosto 2016 nang i-raid ng mga pulis ang compound ng pamilya Espinosa sa Brgy. Binulho sa Tacloban, kung saan kalaunan ay inaresto ang noo’y alkaldeng si Rolando Espinosa Sr., ang ama ni Espinosa.
Nakulong si Espinosa Sr. sa kasong drugs sa subprovincial jail sa Baybay City, Leyte, at pinatay siya noong Nobyembre, 2016, sa gitna ng umano'y shootout sa mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group.