Tinatayang 42% ng mga Pilipino ang hindi nahuhusayan sa pamumuno ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa survey ng WR Numero.
Base sa inilabas na resulta ng survey, sa 42% na nasabing datos ay 12.6% dito ang lubos na hindi nahuhusayan sa PBBM admin habang 29.6% ang hindi nahuhusayan.
Samantala, 29% ng mga Pilipino ang nagbigay ng positibong paglalarawan sa pamumuno ng administrasyong Marcos, kung saan 25.5% dito ang nagsabing “mahusay” ang administrasyon habang 3.3% ang naglarawan ng “lubos na mahusay.”
Bumaba ang naturang 29% na positive performance assessment ni PBBM kumpara sa natanggap niya noong Pebrero 2025 na 30%, at lalo na raw noong Disyembre 2023 na 66%.
Inilahad din ng WR Numero na base sa kanilang survey nitong Abril, 29% din ang nagsabing hindi sila sigurado kung mahusay o hindi mahusay ang pamumuno ng kasalukuyang administrasyon.
Isinagawa raw ang nasabing survey mula Marso 31 hanggang Abril 7 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,894 registered voters sa bansa.