“Kapag wala po kayong napatunayan, wala po kayong karapatang humingi sa Pangulo ng anumang demand patungkol sa hair follicle test.”
Ito ang iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro matapos niyang kuwestiyunin ang mga nagde-demand na magpa-hair follicle drug test si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mapatunayan umanong hindi siya gumagamit ng ilegal na droga.
Sa isang press conference nitong Huwebes, Abril 10, tinanong si Castro hinggil sa mga nagde-demand na magpa-hair follicle drug test si Pangulong Marcos, tulad ni Atty. Vic Rodriguez, kaugnay ng “pekeng polvoron video" nitong kumalat kamakailan sa social media.
“Tanong po natin: Ano po ba ang basehan para sa paghingi at i-demand sa Pangulo ang isang hair follicle test? Ito po ba’y may pagbibintang na siya ay ‘diumanong gumagamit ng ilegal na droga?” giit ni Castro.
“Kung may pagbibintang, liliwanagin po natin, kung may pagbibintang sa Pangulo, yung nagbibintang ang dapat na magpatunay kung may ginagamit man o wala,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Castro na dapat umanong kung sino ang “nagbibintang” sa isang tao, siya ang magbigay ng pruweba at hindi ang pinagbibintangan.
“Hindi po pwedeng gumawa ng kuwento, walang basehan, isang guni-guni para masira ang Pangulo at walang basehan. Kahit saan po na kaso, kung sino yung nagbibintang, siya ang magbigay ng pruweba,” giit ni Castro.
“Hindi pwedeng sabihin na, ‘Ah, ito, gumagamit ka, patunayan mong hindi.’ Hindi po yun ang tamang logic. Kayo po na nagbibintang, kayong humihingi at nagde-demand sa Pangulo, kayo muna ang magpatunay na mayroon siyang ginagawang mali.
“Kapag wala po kayong napatunayan, wala po kayong karapatang humingi sa Pangulo ng anumang demand patungkol sa hair follicle test,” saad pa niya.
Samantala, iniiwan na raw ng pangulo sa law enforcement agencies ang pag-imbestiga sa mga sangkot sa “polvoron video” niya.
Matatandaang noong Hulyo 2024 nang kumalat ang video kung saan makikita ang paggamit umano ng pangulo ng ilegal na droga. Ipinalabas daw ang video sa Maisug gatherings sa Vancouver, Canada at Los Angeles, USA.
Agad namang pinabulaanan ng Department of National Defense (DND) ang naturang video, at sinabing ito umano ay isang “maliciously crude attempt to destabilize the administration.”
MAKI-BALITA: DND, pinabulaanan ang malisyosong video tungkol kay PBBM
Naglabas din ng pahayag si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2024, at iginiit na walang kinalaman ang Hakbang ng Maisug national leadership sa nasabing video. Hinamon din ng dating pangulo si Marcos na magpa-hair follicle drug test.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nagsalita hinggil sa umano'y 'polvoron' video ni PBBM
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, hinamon si PBBM na magpa-hair follicle drug test
Samantala, nito lamang Martes, Abril 8, nang ituro ng vlogger na si Pebbles Cunanan si dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque bilang isa sa mga may pakana ng “polvoron video” ni Marcos.
MAKI-BALITA: Harry Roque, itinuturong nasa likod ng ‘polvoron video’ ni PBBM
Pinabulaanan naman ni Roque ang naturang akusasyon ni Cunanan.