Nag-ransom 'di umano na may kabuuang ₱160 milyon ang pamilya ni Filipino-Chinese businessman Anson Que, ngunit pinatay pa rin ang biktima, ayon sa social media post ni Ramon Tulfo.
Base sa social media post ni Tulfo noong Miyerkules, Abril 9, ibinalita niya ang tungkol sa pagpatay kay Que kasama ang driver nito. Natagpuan aniya ang bangkay ng dalawang biktima sa Rizal.
Kaugnay nito, ayon daw sa kaniyang "reliable sources" ay nagbayad ang pamilya ni Que ng paunang ₱60 milyon at ₱100 milyon naman ang sumunod.
"Sa aking nakalap na balita sa mga reliable sources, nagbayad ang pamilya ng biktima ng PhP60 million ransom ng pauna at PhP100 million ng pangalawa. Pero pinaslang pa rin si Que kasama ang kanyang driver," ani Tulfo.

Samantala, kinumpirma ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See ang nangyari kay Que at sa driver nito, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
BASAHIN: Kinidnap na si Anson Que, natagpuan umanong patay kasama ang driver
Matatandaang noong Abril 6, naglabas ng blind item ang "Bilyonaryo" tungkol sa isang Filipino-Chinese steel magnate na kinidnap habang kumakain sa isang seafood restaurant.
BASAHIN: Chinoy steel magnate, dinukot ng grupong nangidnap ng estudyante sa isang exclusive school?
Kaugnay nito, ikinababahala ni Dr. Cecilio Pedro, dating presidente ng Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ang mga kaso ng kidnapping sa mga kapwa niyang negosyante rito sa bansa.
Sa Pandesal Forum noong Abril 8, ibinahagi niya ang bilang ng mga kaso ng kidnapping sa mga Chinese.