April 17, 2025

Home BALITA Eleksyon

‘Misogynistic remarks’ ng mga kandidato, ‘di katanggap-tanggap kay PBBM – Usec. Castro

‘Misogynistic remarks’ ng mga kandidato, ‘di katanggap-tanggap kay PBBM – Usec. Castro
MB file photo

Hindi katanggap-tanggap para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pahayag ng mga kandidato laban sa kababaihan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro.

Sa isang press conference nitong Huwebes, Abril 10, tinanong si Castro kung ano ang reaksyon ng Malacañang hinggil sa “misogynistic or insensitive comments” ng ilang mga kandidato sa 2025 midterm elections sa kanilang pangangampanya.

“Paano nga ba ang ganitong klaseng pananalita noon ay pinapalakpakan?” paunang sagot ni Castro habang walang pinangangalanan kung sinong lider “noon” ang kaniyang pinatutungkulan.

“Parang ipinagbubunyi ang mga kandidato o mga lider na nagsasalita nang walang karespe-respeto, lalong-lalo na sa mga kababaihan. Ipinagmamalaki at ginagawang katatawanan, ginagawang joke, ang pambababae ng mga kalalakihan. Ginagawa ring isyu at katatawanan ang mga rape na sitwasyon.

Eleksyon

Magalong, payag pakalkalin records ng yaman at ari-arian niya sa Baguio

“Hindi na po ito dapat. Hindi po dapat na gawing idolo ang mga ganitong klaseng tao. Hindi rin po dapat ito pamarisan. Hindi na po dapat ito pinapalakpakan,” dagdag niya.

Giit pa nii Castro, hindi na raw dapat mangyari sa administrasyong Marcos ang naturang pagbibitaw ng mga salita laban sa kababaihan.

“Kung nagawa ito dati at pinapalakpakan, hindi na po sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Marcos na dapat itong mangyari.

“Kaya, ayon po sa Pangulo, hindi po katanggap-tanggap ang mga kandidatong ganito ang nagiging naratibo sa kanilang pangangampanya,” aniya.

Ipinabatid din ni Castro na masaya ang pangulo dahil sa mabilis daw na pag-askyon ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa mga “walang karespeto-respetong pananalita ng ibang mga kandidato.”

“Dapat pong mapanatili ng bawat isa, ng bawat kandidato, lalong-lalo na ang mga kandidato na nagnanais na maging leader ng bansa. Dapat ipagpatuloy nila ang pag-promote ng respeto, ng integridad, at ng truthfulness o katotohanan sa kanilang mga sinasabi habang sila ay nagbibigay ng kanilang mga pangako sa kanilang mga constituents at sa mga botante,” saad ni Castro.

Matatandaang kamakailan lamang ay naglabas ng show-cause order ang Comelec para sa ilang mga kandidato, tulad nina Davao de Oro 2nd district Rep. Ruwel Gonzaga, Misamis Oriental Gov. reelectionist Peter Unabia at tumatakbong kongresista sa Pasig City na si Atty. Christian "Ian" Sia.

Ito ay matapos umani ng reaksiyon ang ang sexual remarks ni Gonzaga sa tatlong magkakahiwalay na aktibidad, kung saan sinabi niyang “mas magaling umiy*t” ang mga lalaki.

MAKI-BALITA: Rep. Ruwel Gonzaga, pinagpapaliwanag ng Comelec sa pahayag niyang 'magaling umiy*t'

Naging usap-usapan din ang naging hirit ni Unabia na para lamang umano sa “magagandang babae” ang propesyon na nursing.

MAKI-BALITA: Comelec, pinagpapaliwanag si MisOr Gov. Unabia sa pahayag nito ukol sa mga nurse, Moro

Bukod dito, umani rin ng reaksyon ang “joke” ni Sia na maaari umanong sumiping sa kaniya ang mga solo parent na babae na nireregla pa, at maging sa pahayag niya patungkol sa kaniyang babaeng assistant.

MAKI-BALITA: Atty. Ian Sia, pinagpapaliwanag ulit dahil sa pahayag niya patungkol sa kaniyang babaeng assistant