April 18, 2025

Home BALITA National

Kapalaran ni FPRRD, inihalintulad ni Sen. Robin kay Marcos Sr: 'Isang inexile at isang sinurender!'

Kapalaran ni FPRRD, inihalintulad ni Sen. Robin kay Marcos Sr: 'Isang inexile at isang sinurender!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines/FB, Manila Bulletin file photo at contributed photo

Nagpahayag ng pagkadismaya si Sen. Robin Padilla hinggil sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at panananatili nito sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

KAUGNAY NA BALITA:  TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD

Sa ikatlong Senate hearing na isinagawa ngayong Huwebes, Abril 10, 2025, inihambing ni Padilla ang naging kapalaran ng dalawang dating Pangulo ng bansa na lumaban umano sa mga komunista. 

“Napaka-ironic lang po na alam nating lahat, na batid nating lahat na dadalawang Pangulo lamang po ang lumaban sa komunista. Una, si Ferdinand Marcos Sr. Ano pong nangyari? Inalis natin sa bansa. Ang sumunod na lumaban po sa komunista ay si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ang tanong ko lamang po sa PNP, hindi ko po kayo hinuhusgahan, hindi n’yo po ba tinanong man lang sa mga nag-uutos sa inyo? Kung bakit natin dadalhin sa The Hague ang ating dating Pangulo? Na alam naman po nating buhay na buhay ang communist party sa Netherlands?” ani Padilla.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Dagdag pa niya, tila baliktad umano ang nangyari sa kapalaran ni noo’y Communist leader na si Joma Sison at ni dating Pangulong Duterte. 

“Alam naman po  natin na hinihingi natin dati na i-transport dito si Joma Sison, dalhin dito sa Pilipinas. Pero nagkabaliktad po. Ang tinransport po natin ay yung dating Pangulo natin na lumaban sa komunista,” anang senador. 

Kinuwestiyon niya rin ang tila pareho umanong kinahinatnan ng dalawang dating Pangulo matapos ang naging paglaban daw nila sa mga komunista. 

“Isipin man lang sana natin kung ano ang itinanim ni FPRRD sa bansang ito. Nilabanan natin ang mga komunista. Talaga bang 'yan ang kapalaran ng mga Presidenteng lumalaban sa komunista? Isang inexile ta's isang sinurrender? Eh ano pa ba talaga itong bansa natin? Tayo po ba ay demoktratiko talaga? Tayo po ba'y under control ng komunista?” saad ni Padilla.

Matatandaang naaresto si dating Pangulong Duterte noong Marso 11 matapos magbaba ng arrest warrant ang ICC para sa crimes against humanity kaugnay ng kaniyang madugong kampanya kontra droga.

KAUGNAY NA BALITA:  FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang