May babala sa publiko ang policy analyst, political strategist, at author na si Ma. Lourdes Tiquia hinggil sa nauuso ring "modus" ngayon na "tanim-droga" sa mga sasakyan.
Mababasa sa kaniyang Facebook post, Huwebes, Abril 10, na hindi lamang daw tanim-bala sa airport ang muling nagbabalik kundi ang "tanim-droga."
"Mag-ingat po!"
"Di lang #TanimBala ang na-uuso ngayon, mayroong #TanimDroga."
"Huwag buksan ang trunk ng sasakyan nyo sa luob. Bumaba, buksan ang trunk gamit ng susi at sumama sa mga pulis na titingin sa trunk.," aniya.

Matatandaang noong 2018, napabalita na rin ang tungkol sa mga umano'y pulis na nagtatanim ng ilegal na droga sa mga motorista sa checkpoints para daw makapangikil.
Kumalat noon sa social media ang salaysay ng isang motorista, na pinatigil daw sa checkpoint at binuksan ang compartment ng kaniyang kotse, at saka siya pinaalis.
Kinutuban daw ang motorista at sinilip ang kaniyang compartment nang medyo makalayo, at dito ay nakita umano ang sachet ng shabu.
Subalit pinabulaanan naman ito ng Philippine National Police (PNP) at tinawag na "fake news" ni Chief Superintendent Benigno Durana, tagapagsalita noon ng PNP.