Muling inungkat ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang isyu ng hindi pagpapa-hair follicle test ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, matapos iuugnay sa kaniya na siya umano ang prumutor ng kontrobersyal na “polvoron video” ng Presidente.
Sa isang Facebook live kamakailan, iginiit ni Roque na wala raw sa tamang pag-iisip si PBBM bunsod ng akusasyong gumagamit umano siya ng cocaine.
“Hindi po 'yan conclusive pero alam n'yo sa batas ang tawag diyan is yung totality of evidence and mayroon talagang basehan para paniwalaan natin na talagang wala sa tamang pag-iisip ang ating Presidente,” saad ni Roque.
Hamon pa niya, magpa-hair follicle na raw si PBBM upang mapawalang-bisa na umano ang isyu nito hinggil sa paggamit ng ilegal na droga.
“Kaya nga po ang tanging solusyon siyan ay magpa-hair follicle test. 'yan po siyensya ang magbibigay, ang magpapasinungalingan doon sa paratang na gumagamit siya ng ipinagbabawal na droga na hanggang ngayon, hindi niya ginagawa. At ang tanong, bakit ayaw magpa-hair follicle test? Kasi ang hair follicle test po, hindi 'yan magsisinungaling,” ani Roque.
Matatandaang sa isinagawang House Tri-Comm hearing hinggil sa cybercrimes at fake news noong Martes, Abril 8, ikinuwento ng vlogger na si Pebbles Cunanan ang tungkol sa isang dinner na dinaluhan umano niya sa Hong Kong.
KAUGNAY NA BALITA: Harry Roque, itinuturong nasa likod ng ‘polvoron video’ ni PBBM
Samantala, nauna nang pinabulaanan ng Department of Defense (DND) ang tungkol sa malisyosong video noong Hulyo 2024.
KAUGNAY NA BALITA: DND, pinabulaanan ang malisyosong video tungkol kay PBBM