Bahagi ng phone call interview ni Ogie Diaz sa komedyanteng si Dennis Padilla ang hayagan niyang pagsasabing masama ang loob niya sa mga anak, lalo na sa nangyari sa kasal ng anak nila ni Marjorie Barretto na si Claudia Barretto, na ikinasal sa long-time boyfriend nitong si Basti Lorenzo noong Martes, Abril 8.
Matatandaang "guest" lamang umano ang naging turing kay Dennis at hindi kasama sa wedding entourage; ibig sabihin, hindi siya ang naghatid sa altar sa kaniyang anak.
May isiniwalat pa ang komedyante hinggil sa pag-uusap nila ng anak, ilang oras bago maganap ang kasalan nang araw na iyon.
Naibahagi ni Dennis na nagkausap pa raw sila ng anak ilang oras bago maganap ang kasal, at emosyunal na nagbahagi itong parang hindi na matutuloy ang kasal dahil one week daw bago mangyari ang big event, hindi umano nakikitaan ni Claudia ng interes ang boyfriend sa kanilang pag-iisang dibdib.
Payo pa raw ni Dennis, kung feeling ni Claudia ay ayaw niyang tumuloy sa kasal, okay lang daw iyon at tiyak na maiintindihan ito ng mga tao, lalo na siya bilang ama.
Ngunit isang oras matapos ang pag-uusap nila ng anak, tumawag daw ulit ang anak para sabihin sa kaniyang tuloy na ang kasal. Wala nang tanong-tanong, agad daw na nagbihis ulit si Dennis at dumiretso sa Caloocan City para sunduin ang nanay niya. Pagkatapos, dumiretso na raw sila sa simbahan.
KAUGNAY NA BALITA: Dennis may ibinunyag; anak na si Claudia, muntik umurong sa araw ng kasal?
Nang magsimula na nga ang entourage, dito nga ay nalaman na ni Dennis na hindi siya ang maghahatid kay Claudia patungong altar. Ibayong sakit daw ang naramdaman ng ama, na "most painful moment" daw sa kaniya kaysa sa mga nagdaang events sa buhay ng mga anak na wala ang presensya niya rito. Hindi na raw napigilan ni Dennis na maiyak habang pinapanood ang paglakad ng anak.
Aminado rin si Dennis na masama ang loob niya kay Claudia dahil hindi raw kaagad sinabi sa kaniya na hindi pala siya kasama sa entourage.
Kung sinabi raw kaagad na hindi siya bahagi ng entourage o programa, nasa kaniya ang desisyon kung pupunta pa siya o hindi.
"At least, mayroon silang katwiran, may reasoning sila. Hindi ako puwedeng mag-vent out, kasi sinabihan ka nang wala ka eh," ani Dennis.
O kaya naman daw, hindi na lamang daw sana siya inimbitahan para siya na lamang ang nagkusang nagpunta sa kasal.
Sa pagtatapos ng panayam, nagsabi ng "permanent goodbye" ang komedyante sa kaniyang mga anak dahil tila suko na raw siya sa pakikipag-reconcile sa kaniya.
Matinding pahayag pa ni Dennis, baka ang huling senaryong makikita nila siya, ay nasa loob na ng ataul o kabaong.
"This is a permanent goodbye," anang Dennis kay Ogie.
"Maybe the last time that you will see me, sa loob na ng kabaon ko yun. Di na ako makakaiwas," aniya.
"Di ko naman kayo iba-ban doon. Anak ko kayo, eh. Kung gusto n'yo mag-donate ng biscuit, puwede rin naman 'yon."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo nina Marjorie Barretto, Claudia Barretto, o ni Basti Lorenzo tungkol sa isyu, habang isinusulat ang artikulong ito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.