Kinuwestiyon ng Senado ang dahilan umano ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief at Major General Nicolas Torre kaugnay nang hindi umano niya pagpapapasok kay Vice President Sara Duterte sa Villamor Airbase upang makita ang noo’y inarestong si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y ilegal na pagkakaaresto sa dating Pangulo, naungkat sa pagdinig ang naturang kautusan at desisyon ni Torre.
"Hindi ko dine-deny na pinrevent ko si VP Sara na pumasok based on the request of the former President,” pag-amin ni Torre.
Paliwanag pa niya, “The reason for that, is that, 12 hours na ang nakalipas at tapos na ang lahat ng mga delaying tactics. We cannot allow that otherwise, magiging magulo pa ang situation sir..."
Bunsod nito, iginiit naman nina reelectionist senator Imee Marcos at Sen. Bato dela Rosa kung may expiration date daw ang pagbisita ng isang anak sa kanilang magulang na akusado o arestado.
“Na-eexpire pala yung karapatan ng akusado?” ani Sen. Imee. Pahabol naman ni Sen. Bato, “May expiration date ba yung karapatan ng anak na bumisita sa kaniyang tatay?”
Ayon pa kay Torre, naniniwala raw siya na nasa kamay na umano niya ang pagdedesisyon noong panahong ililipad na papuntang The Hague, Netherlands ang dating Pangulo kasabay ng dating ni VP Sara sa Villamor.
Ani Torre, “We do believe... Ako personally that's my call at that time because I'm operating on the premise of…”
“So it's your call, it's your call to violate the law? Dahil nakalagay sa batas, binasa ni Sen. Cayetano na 'bawal na pigilan yung anak na bumisita' it's your call to violate the law?” saad ni Dela Rosa.
Matatandaang nauna nang basahin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang umano’y batas na nagsasaad na may karapatan umano at hindi pwedeng ipagbawal sa mga kaanak ng isang akusado at arestado na mabisita o makita nila ang isa’t isa.