"Paano mo nagagawa lahat ng ginagawa mo, Classmate?"
Iyan na yata ang laging tanong kay Richard Thaddeus Carvajal, isang businessman, college professor, content creator, at estudyante, dahil lahat ng goals na nais niyang makamit ay talagang pinagsumikapan niyang makamit, na hindi pa naisasantabi ang personal at leisure time dahil nagagawa pa niyang mag-travel at sports activities.
Nakapukaw sa atensyon ng mga netizen ang social media posts niya, na anim na graduation na raw ang kaniyang dinaluhan, na nangangahulugang may anim na academic degrees na siya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Richard Thaddeus, kinumpirma niyang isa siyang content creator on the side, nagpa-part time bilang college professor, at nagmamay-ari ng isang real estate at finance company, na maituturing naman niyang full-time work bilang Chief Executive Officer o CEO.
Bilang college professor, nagtuturo siya ng mga subject na may kinalaman sa Business Management at Business Administration, sa loob ng walong taon, na walang antala o break.
Ang passion daw niya sa academics at pagsikhay sa kaalaman ang naging dahilan kung bakit sa kabila ng kaniyang kaabalahan sa buhay ay patuloy siyang nagbabahagi naman ng kaalaman at karanasan sa mga mag-aaral na nagnanais ding sundan ang yapak niya.
Dahil daw dito, gustong-gusto raw niya ang pag-aaral dahil nais daw niyang malinang at mapaunlad pa ang kaniyang mga kaalamang hindi niya ipinagdadamot na maibahagi sa iba, at upang mas maging valuable pa ito.
Siya mismo ang namamahala ng kaniyang sariling kompanya dahil nagagamit daw niya ang mga karanasan dito sa kaniyang pagtuturo.
ANG ANIM NA ACADEMIC DEGREES NI RICHARD
Isa-isang ibinahagi ni Richard ang anim na academic degrees at diplomas na kaniyang pinanghahawakan. Una na rito ang kaniyang bachelor's degree na International Management na tinapos niya sa isang pamantasan sa Pilipinas noong 2012.
Pagkatapos, agad siyang kumuha ng double master's degree program na Investment Finance at Master's in Real Estate na kinuha naman niya sa Oxford University sa England.
Nang makatapos sa dalawang master's degree, kumuha pa siya ng isang master's degree sa Global Business.
Pagkatapos nito, kumuha pa ulit siya ng bachelor's degree sa Real Estate Management upang makapag-take siya ng licensure examination para sa pagiging appraiser at consultant, dahil iyon daw ang polisiya.
"Kahit na may master's degree na ako sa Real Estate, bumalik pa ako sa bachelor's degree," paliwanag ni Richard Thaddeus.
At ang pinakahuling master's degree program na kinuha niya ay Management major in Environmental Planning.
Inamin din niyang may pampitong master's degree siyang kinukuha niya ngayon subalit tumanggi muna siyang banggitin kung ano ito. Hindi raw muna niya nire-reveal sa followers niya kung ano ang degree na kinukuha at pinag-aaralan niya, dahil inilalantad na lamang niya ito kapag graduation na.
Lahat ng mga kinuha niyang master's degree ay may licensure examinations, kaya naisasabay rin niya ito sa kabila ng kaabalahan niya.
Si Richard ay isa sa dalawang nakapasa sa December 2024 Real Estate Consultants Licensure Examination, kung saan, anim lamang silang kumuha.
ANG TIME MANAGEMENT NI RICHARD
Sa dami ng ginagawa at pinagkakaabalahan ni Richard, natanong din ng Balita kung ano ang sikreto niya pagdating sa time management. Aniya, isa siyang "balanced person" at mahusay na siya pagdating sa pagko-compartment o time allotment sa mga gagawin niya; halimbawa, naglalaan siya ng dalawang oras sa pag-aaral o pagre-review, tatlong oras sa content creation, apat na oras sa kaniyang negosyo, at sa katunayan, pagkatapos ng panayam sa Balita ay may schedule pa siya sa paglalaro ng tennis.
Pagkatapos ng nabanggit na sports activity, muli raw siyang mag-aaral o kaya naman, maghahanda o magtuturo naman sa kaniyang part-time teachings.
Pagkatapos magturo, mula 9:00 ng gabi hanggang 12:00 ng madaling-araw ay inilalaan niya ulit para sa pag-aaral.
12:00 hanggang 3:00 ng madaling-araw ay ginugugol naman niya sa content creations, at 3:00 ng madaling-araw hanggang 10:00 ng umaga ay natutulog siya.
BAKIT PURO MASTER'S DEGREES AT HINDI DOCTORATE DEGREES?
Aminado si Richard na hindi siya magaling pagdating sa research, na mas pinagtutuunan daw ng pansin sa doctorate degree. Mas magaling daw siya sa pagkatuto ng mga kaalaman, na mas pinag-aaralan sa master's degree. Problemang panlipunan o sa field na nais solusyunan ang pokus daw kasi sa PhD.
"But of course, I'm not closing the doors," sansala niya.
"It's just that I'm enjoying learning new things, sa master's kasi one to two years you learn something new eh," aniya.
BASHING SA KABILA NG ACHIEVEMENTS
Kahit nakakabilib si Richard dahil sa kaniyang achievement, hindi rin maiiwasang makatanggap siya ng bashing at kritisismo dahil sa akusasyong tila wala na raw siyang "contentment" sa mga nais niyang gawin sa buhay niya. Hindi pa rin siya ligtas sa mga taong nagtataas ng kilay sa kaniya.
"Hindi siya common na mag-aral ulit nang mag-aral, kasi sa Philippines ang culture natin, 'pag nakapag-aral ka, magtatrabaho ka na. Pero ang hindi kasi alam ng mga tao, na there is opportunity sa life-long learning, ayoko rin kasi ma-stop 'yong brain ko, ayokong ma-stop 'yong kinasanayan kong nag-aaral," aniya.
Inakusahan pa raw siya na kaya siya nag-aaral ay dahil ayaw niyang magtrabaho at umaasa lamang sa mga magulang, bagay na hindi raw totoo, dahil sa katunayan, siya raw ang gumagastos sa kaniyang matrikula.
"Everything that I have achieved is because of the opportunities ng education na meron ako," aniya.
MENSAHE NI RICHARD SA MGA MAG-AARAL
Bilang pagwawakas ay nagbigay ng mensahe si Richard sa mga mag-aaral na tila nalilito pa kung anong degree ang kukunin nila sa kolehiyo, o hindi pa nakikita ang sarili sa kung ano ang nais nilang "maging" sa hinaharap.
"I guess, ang pinaka-advice ko, is you really have to want it, parang kailangang gustuhin mo talaga, because if gusto mo, maraming paraan to do this, there's a lot of scholarship opportunities," aniya.
"Most of the time, iniisip natin, scholarships are for smart people only, pero if you look at programs abroad, it's really more of like, they see the potential sa kailangan ng scholarship..."
"Second, use your time wisely everyday. Maraming part-time programs, ako, I did not have to quit work during the time na studying, lalo na sa panahon ngayon, there's a lot of hybrid, sometimes online program, sometimes flexible programs na naka-tailor talaga sa mga second degree or executive classes, so you can explore. You don't have to quit your work just to pursue another degree."
'And third, kung hindi pa kayo sure about what you really want in life, maybe you can take up short courses muna before going to that degree, attending seminar, and really the most important thing here is to really invest in yourself."
"Sometimes sasabihin nila 'Ay ang mahal ng tuition,' 'Ay sayang 'yong tuition' parang gano'n, wala pong sayang pagdating sa pagbabayad ng tuition, it's always going to be a win-win, and something na it's never gonna be taken away from you," aniya pa.
Saludo kami sa iyo, Richard! Patuloy kang maging inspirasyon sa lahat!