Nagpasalamat pa rin si senatorial aspirant Heidi Mendoza kahit tuluyan nang iniatras ng social media personality na si Sassa Gurl ang suporta nito para sa kaniyang kandidatura.
Sa Facebook post ni Mendoza nitong Miyerkules, Abril 9, 2025, ipinaabot niya ang pasasalamat kay Sassa Gurl, maging ang kaniyang paghingi ng paumanhin sa lahat aniya ng kaniyang mga nasaktan.
"Maraming Salamat pa rin. Ikaw ang nagbukas ng aking saloobin at nagmulat ng aking mata sa aking pagkukulang. Sa sariling karanasan ko hahanguin ang aking susunod na hakbangin. Humihingi ako ng paumanhin sa mga nasaktan at nadisappoint pero hindi ibig sabihin na hindi ko kinikilala ang inyong karapatan at hindi ko pinapakinggan ang inyong mga hinaing," anang senatorial aspirant.
Matatandaang noong Martes, Abril 8, nang ihayag ni Sassa Gurl ang pagbawi niya ng suporta kay Mendoza matapos ang viral video nito kung saan iginiit niya ang hindi pagsuportang isulong ang same sex marriage kung papalarin sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Dahil di pabor sa same sex marriage: Heidi Mendoza, ekis na kay Sassa Gurl
Saad pa ni Mendoza sa kaniyang FB post: "Patuloy ko pa ring babantayan ang budget, Budget na sapat at budget na walang kupit para sa lahat! Sisimulan ko sa paghahanap ng budget sa pangangailangan nyo, budget sa pagkakapantay pantay ng karapatan at kasarian. Hindi man tayo magkaparehas ng pamamaraan."
Binanggit din ni Mendoza ang sikat na linya ni Sassa Gurl hinggil sa pagiging "baklang kanal."
“Sabi mo nga, 'Baklang kanal tayo pero hindi tayo dapat nakatira sa literal na kanal.' Sisikapin ko yun, kahit hindi ako mapunta sa Senado!"