Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong Miyerkules, Abril 9.
"Nakikiisa ako sa lahat ng mga Pilipino sa ating paggunita ng Araw ng Kagitingan. Ang kagitingan ng mga Pilipino noong World War II sa Battle of Bataan ay umukit ng isang mahalagang pahina sa ating kasaysayan bilang paalala sa katapangan at kabayanihan ng ating lahi, sa gitna ng kalupitan at pang-aapi," mensahe ni Duterte.
"Ngayong tayo ay nahaharap sa iba’t ibang hamon na sumusubok sa ating pagkakaisa at pagsulong, nawa’y ang kanilang kabayanihan ay magsilbing inspirasyon sa bawat Pilipino.
"Sa Bataan ay naipanalo ng mga Pilipino ang pag-asa at ang taglay nitong kapangyarihan para magpatuloy tayo sa pagsulong sa kabila ng mga hamon ng panahon. Ipagdiwang natin ang kanilang alaala sa pamamagitan ng pagtatag ng isang bansang kailanma’y hindi na muling daranas ng gayong pagdurusa.
Sa ating pagmamahal sa bayan at pananalig sa Diyos, harapin natin ang mga hamon, taglay ang paniniwalang nasa atin ang kapangyarihan para sa pagbabago at mas magandang bukas. Isang makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa bawat isa sa atin."
Sa araw na ito, Abril 9, ginugunita ang pagbagsak ng Bataan noong 1942 kung kailan nangyari ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ito rin ang hudyat sa simula ng Death March. Nagmartsa ang 76,000 sundalong Pilipino at Amerikano mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac na tinatayang 106 kilometro ang layo.
Dahil sa matinding hirap, gutom, at pagod na dinanas habang nasa daan, 54,000 lang ang pinalad na mabuhay.
BASAHIN: Paggunita sa Day of Valor: Ang pagbagsak ng Bataan ay isa ring kagitingan