April 17, 2025

Home BALITA

Viral na 77-anyos na PWD, 'pinilit' para siraan umano si Mayor Vico —DSWD

Viral na 77-anyos na PWD, 'pinilit' para siraan umano si Mayor Vico —DSWD
photo courtesy: GMA Integrated News/FB, The Journal Pasig/FB screenshot

Isang 77-anyos na babaeng person with disability (PWD) ang "pinilit" at "tinuruan kung ano ang sasabihin" para siraan umano si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang video na kumakalat ngayon sa social media, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kumakalat ngayon sa social media ang video ng Facebook page na "The Journal Pasig" kung saan mapapanood ang 77-anyos na babaeng may "mental disability" na sinasagot ang mga tanong laban kay Sotto. 

Kaugnay nito, nagpahayag ng galit laban sa mga taong gumawa ng video ang pamangkin ng 77-anyos na babae dahil sa umano'y pananamantala sa kapansanan ng kaniyang tiyahin.

Nagpadala ng fact-finding team ang DSWD noong Lunes, Abril 7, upang imbestigahan ang naturang video at napatunayang may kapansanan ang babae sa video. 

National

'Sino ang mga hudas na tumanggap ng pilak ng ginto sa ating lipunan?'—Harry Roque

Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian sa kaniyang panayam sa Unang Balita nitong Martes, Abril 8, inuuna muna nila ang kalagayan ng biktima dahil nagkaroon umano ito ng psychological trauma dahil sa nangyari. 

“Hiyang-hiya siya. Kinakantyawan na siya. Iniinis siya ng mga kapitbahay. So yung ating may kapansanan na mentally challenged or merong mental disability, mas lalong may pinagdaraanan,” ani Gatchalian. 

Sinabi rin ng Kalihim ng DSWD na pinilit ang babae sa kaniyang pahayag sa video.

“Ayon sa kaniyang salaysay at ayon na rin sa salaysay ng kamag-anak niya, siya ay pinilit at tinuruan siya kung ano yung sasabihin niya. Ang nangyari, sinabi niya na ayaw niya pero pinilit siya. So napapayag siya.

“Ang sunod niyang sagot, ‘Hindi ko alam ang sasabihin ko, hindi ako marunong sumagot sa mga ganitong katanungan.’ ‘Di bale tuturuan ka namin' at tinuruan siya. Fineed siya no'ng sagot," saad pa ni Gatchalian. 

Napag-alaman din ng DSWD na kinunan ang video sa lugar ng pag-aari umano ng isang kandidato sa Pasig. 

Samantala, hindi pa nakakapagdesisyon ang pamilya ng 77-anyos kung itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban sa nag-upload ng video. 

Sinusubukan na ring makipag-ugnayan ng DSWD sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) at Facebook Philippines upang tanggalin na ang video sa naturang Facebook page.