Tatlong estudyante ang inaresto ng mga pulis matapos umanong "pilahan" at gahasain ang isang kapwa estudyante sa Port Area, Maynila, Lunes, Abril 7.
Ang tatlong suspek na hindi na pinangalanan ng mga pulis ay pawang Grade 12 students, na schoolmate umano ng 16-anyos na biktima, na Grade 11 student.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Baseco Police Station commander P/Lt. Colonel Emmanuel Gomez, naganap ang insidente ng panghahalay noong madaling araw ng Abril 7, sa bahay ng isa sa mga suspek sa Baseco Compound.
Nauna rito, nagkayayaan umanong mag-inuman ang mga suspek at biktima, dakong alas-11:00 ng gabi ng Abril 6.
Gayunman, pagsapit ng alas- 2:00 ng madaling araw ng Abril 7, ay nalasing na ang biktima at nakatulog.
Nagising na lang umano ang biktima nang maramdamang may humahalik sa kaniya.
Nang manlaban, dito na umano siya pinagtulungang pigilan ng tatlo at halinhinang ginahasa.
Nang makatulog ang mga suspek, sinamantala umano ng biktima ang pagkakataon upang makatakas.
Nagtungo siya sa bahay ng isang kaibigan at doon naman siya natunton ng ina at isinumbong ang pangyayari, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.