Humingi na ng dispensa ang re-electionist na si Misamis Oriental Governor Peter Unabia sa kinuyog na hirit niya sa isang campaign rally noong Abril 3, na para lamang sa magagandang babae at hindi puwede sa pangit at lalaki ang pagiging isang nurse.
Matatandaang nag-viral ang video ni Unabia matapos niyang ipaliwanag ang tungkol sa kanilang provincial nursing scholarship program.
“Kining nursing, para ra ni sa mga babaye, dili pwede ang lalaki. At, kato pa gyud mga babaye nga gwapa (Itong nursing, para lang ito sa mga babae, hindi pwede ang lalaki. At, at saka yung talagang mga babaeng magaganda),” ani Unabia.
“Dili man pwede ang maot, kay kung luya na ang mga lalaki, atubangon sa pangit nga nurse, naunsa naman, mosamot atong sakit ana (Hindi pwede ang pangit, kasi kung nanghihina ang mga lalaki, nakaharap sa pangit na nurse, e ano, lalong lalala ang sakit niyan),” saad pa niya.
MAKI-BALITA: Hirit ng MisOr Gov. na para sa magagandang babae lang ang nursing, umani ng reaksiyon
Kinondena ito ng mga netizen, mga grupo, at maging ng Commission on Elections (Comelec) na nag-isyu naman ng show cause order laban sa kaniya.
MAKI-BALITA: Comelec, pinagpapaliwanag si MisOr Gov. Unabia sa pahayag nito ukol sa mga nurse, Moro
Sa ginanap na flag ceremony noong Lunes, Abril 7 sa provincial capitol, humingi ng dispensa si Unabia sa mga nurse at ipinaliwanag na ang layunin lamang daw niya ay pasiglahin ang mga dumalo sa nabanggit na campaign rally na halos apat na oras nang naghihintay sa kaniyang pagsasalita.
Ipinaliwanag din ni Unabia na kaya "very sexy dancers" ang pinagsayaw niya sa programa ay dahil hindi raw kakayanin ng maraming special numbers kung "chubby" ang gagawa nito.
Binuweltahan din ni Unabia ang mga kritiko niya na huwag maging balat-sibuyas o maramdamin.