Nagbigay ng pahayag si Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kaugnay sa emergency cell broadcast system [ECBS] na ginagamit ng mga kandidato sa political campaigning.
Sa ikinasang press briefing nitong Martes, Abril 8, sinabi ni Castro na huwag daw naman sanang abusuhin ng mga kandidato ang ECBS.
“‘Pag sinabi pong emergency, dapat pang-emergency lamang po. Hindi po ito dapat inaabuso ng sinoman para sa pansariling kapakanan,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Nagkaroon na rin po ng pag-iimbestiga ang DICT [Department of Information and Communications Technology] at ang NTC [National Telecommunication Commission] patungkol po dito. Sinoman na mapapatunayan na nagkaroon ng paglabag sa batas ay sasampahan po ng kaso.”
Matatandaang nauna nang pinuna ni Bayan Muna Party-list first nominee Atty. Neri Colmenares ang pakanang ito ng ilang kandidato.
“Ginawa namin ang batas na ito para mailigtas ang buhay ng mamamayan sa panahon ng sakuna—hindi para gamitin sa pangangampanya ng mga politiko. This is a blatant abuse of a life-saving system and must be condemned,” ani Colmenares.