April 13, 2025

Home BALITA Internasyonal

Mexican actor nagka-bacterial infection matapos magbakasyon sa Pinas?

Mexican actor nagka-bacterial infection matapos magbakasyon sa Pinas?
Photo courtesy: Manuel Masalva (IG)

Usap-usapan ang kritikal na kondisyon ng Mexican actor na si Manuel Masalva matapos umanong makakuha ng bacterial infection sa kaniyang abdomen, pagkatapos ng kaniyang bakasyon sa Pilipinas.

Batay sa mga naglalabasang ulat ng international at local news outlets, kinumpirma ng talent manager ni Masalva na si Jaime Jaramillo Espinosa noong Lunes, Abril 7, 2025, na nasa "medically induced coma" ang aktor sa isang ospital sa Dubai, United Arab Emirates.

Nangyari umano ang pagsakit ng tiyan ni Masalva makalipas ang dalawang araw, pagtungo niya sa Dubai mula sa bakasyon sa Palawan sa Pilipinas, noong Marso 18.

Lumala raw ang pananakit ng tiyan ni Masalva, hanggang sa noong Marso 26 ay isinugod na raw sa ospital ang aktor. Batay sa mga laboratory test, lumalabas na nadali ng bacteria ang tiyan ng aktor.

Internasyonal

AI, ituturo sa mga estudyante sa elementarya, high school sa Beijing, China

Umabot na nga raw sa baga ng aktor ang nabanggit na bacteria, kaya isinailalim na siya sa medically induced coma.

Binigyan na raw ng antibiotic ang aktor para hindi na umabot sa brain ang nabanggit na bacteria.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), sa pamamagitan ng spokesperson na si Albert Domingo, wala naman daw dapat ikabahala ang publiko.

Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa ospital sa Dubai upang makapag-assist sa kalagayan ng Mexican actor, at matukoy na rin kung anong klaseng bacteria ang dumale sa kaniya.

Ang katotohanan daw kasi, maraming bacteria sa paligid subalit hindi naman daw lahat ay agresibo at puwedeng makapaminsala sa katawan ng tao.