Naghain ng mosyon sa Korte Suprema ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte upang hilingin sa kataas-taasang hukuman na magtakda ng oral arguments para sa mga habeas corpus petition kaugnay sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa tumatayong legal counsel ni Kitty na si Atty. Salvador Panelo, inihain nila ang mosyon noong Lunes, Abril 7 sa Korte Suprema.
"Ang oral arguments ay magbibigay daan para masuri ng Korte Suprema ang mga mahalagang legal at constitutional issues na nakapaloob sa petition for habeas corpus, sa isang paraan na transparent at madaling maintindihan ng publiko. Kinatwiran nila na kailangan ito dahil sa kahalagahan ng kasong ito at sa mataas na interes ng publiko sa resulta nito," saad ni Panelo.
Ipinanukala rin ng kampo ni Kitty sa naturang mosyon ang mga isyung dapat talakayin sa oral arguments.
"Kasama dito ay ang tanong na 'Sa isang kaso kung saan iligal na inaresto at dinetene ng Ehekutibo ang isang indibidwal, puwede bang umiwas ang Ehekutibo sa pananagutan sa writ of habeas corpus ng Korte Suprema sa pamamagitan lamang ng pagtapon nila sa nasabing indibidwal sa labas ng bansa?'," dagdag pa ni Panelo.
Matatandaang noong Marso 11, nang maaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si dating Pangulong Duterte matapos magbaba ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugo niyang kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: : FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang
Samantala, nakatakdang humarap sa confirmation of charges hearing si dating Pangulong Duterte sa darating na Setyembre 23.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD