Kinumpirma ng Malacanang na posible na umanong dumalo ang ilang mga miyembro ng gabinete para sa nakatakdang ikatlong pagdinig ng Senado hinggil sa imbestigasyon ng sinasabing ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Lunes, Abril 7, 2025, bagama't hindi umano sila nakatatanggap ng imbistasyon mula sa Senado, mayroon na raw silang listahan ng ilang miyembro ng gabineteng maaaring dumalo sa nasabing pagdinig.
KAUGNAY NA BALITA; Bersamin, pinanindigan 'executive privilege' ng mga 'di dumalo sa senate hearing ni Sen. Imee
"Sa ngayon po ay according po sa office ni [Executive Secretary] as we speak, hindi pa po ako nabibigyan ng anumang detail kung nakatanggap na po sila ng invitation. Dapat sa invitation nakalagay po sana kung sino iyong mga tao na iimbitahan. Pero nagbigay na po ng listahan ang Office of the Executive Secretary iyong maaaring dumalo po sa nasabing hearing," ani Castro.
Narito ang mga pangalang binanggit ni Castro:
Justice Secretary Jesus Crispin ''Boying'' Remulla;
Prosecutor General Richard Anthony Fadullon;
Chief State Counsel Dennis Arvin Chan;
Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo;
Philippines Center on Transnational Crime executive director Anthony Alcantara;
Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil;
PNP-Criminal Investigation and Detection Group chief Major General Nicolas Torre III;
Migrant Workers Secretary Hans Cacdac;
special envoy Markus Lacanilao;
Atty. RJ Bernal; at
Atty. Ferdinand Loji Santiago.
Sa kabila ng posibilidad ng pagdalo, nilinaw ni Castro na maaari pa rin umanong igiit ng ilang miyembro ng gabinete ang executive privilege kaugnay ng mga isyung maaaring talakayan sa pagdinig.
"Kung nagkausap man po sila ni Senate President Chiz Escudero, binigyan din po natin ng pagrespeto ang kaniyang hiling kaya...provided of course na ito'y di naman tatalakay sa executive privilege na mga issues," anang PCO Undersecretary.
Matatandaang noong Abril 3 nang hindi spituin ng nasabing mga miyembro ng gabinete ang pagdinig na pinamumunuan ni reelectionist Senator Imee Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee
Kaugnay nito, noong nakaraang Senate hearing din nang igiit ni reelectionist Sen. Ronald "Bato" dela Rosa ang mungkahing ipa-subpoena ang mga opisyal ng gobyernong hindi sumipot dahil umano sa kawalang respeto.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, pinapa-subpoena Cabinet officials na ‘di dumalo sa hearing': 'Wala nang respetuhan ito!'
BASAHIN: Sigaw ni Sen Imee kay Sec. Bersamin: 'Bring them here!'