Nilinaw ni International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na hindi umano sasagutin ng gobyerno ang pamasahe at lahat ng gastos ng mga tatayong testigo sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa panayam ng media kamakailan kay Conti, mismong ang pondo raw ng ICC ang gagamitin para sa mga kwalipikadong testigo.
"Hindi gobyerno ng Pilipinas ang gagastos sa witness, kung hindi ang ICC mula sa kanilang pondo. Napaka-strikto ng ICC sa kwalipikasyon bilang witness at lalong mas strikto sa kwalipikasyon kung ipapasok sa witness protection program kung saan maraming bawal," ani Conti.
Kaugnay nito, nanawagan din siya sa mga tagasuporta ni Duterte na huwag umanong ilihis ang tunay na isyu hinggil sa mga naging pagpatay sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulo.
"huwag pong ilihis ang isyu sa patayang inutos ni Duterte. At hindi lahat ng namatay ay adik o criminal, bawal ang judgemental!" saad ni Conti.
Matatandaang kasalukuyang nasa kustodiya na ng ICC si Duterte sa The Hague, Netherlands matapos siyang maaresto noong Marso 11, 2025 dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng naging madugo niyang kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang
Samantala, sa darating na Setyembre 23 naman nakatakdang gumulong ang confirmation of charges hearing ng dating Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025