Iniharap sa media ang inarestong Russian content creator na si Vitaly Zdorovetskiy na nahaharap sa multiple criminal complaints, Lunes, Abril 7.
Sa pangunguna ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sinabi ng pulisya ng Taguig na nagsampa na sila ng reklamo laban kay Zdorovetskiy sa Taguig City Prosecutor's Office na inireklamo ng harassment at pagkuha ng bagay na hindi niya pagmamay-ari, habang nagla-livestream sa kalsada ng Bonifacio Global City (BGC) kamakailan.
Nakapangalap na umano ang mga pulis ng mga ebidensya, kopya ng CCTV footage, at testimonya ng mga saksi at biktima para sa reklamo sa nabanggit na dayuhan.
Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Bureau of Immigration (BI) upang alamin kung may nilabag bang immigration laws ang nabanggit na dayuhan.
Nasakote ng mga personnel ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dayuhan sa isang hotel sa Pasay City noong Miyerkules, Abril 2.
KAUGNAY NA BALITA: Russian vlogger na inireklamo ng harassment arestado na, posibleng ipa-deport pa!