Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) si Misamis Oriental Gov. Peter Unabia dahil sa naging mga pahayag nito tungkol sa mga nurse at Moro.
Matatandaang kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang sinabi ng gobernador na maaaring madomina na umano ng mga Maranao ang kanilang lokalidad kung matalo ang kaniyang partido at mga kaalyado.
Bukod dito, umani rin ng reaksiyon ang naging hirit ni Unabia sa isang campaign rally na para lamang umano sa “magagandang babae” ang propesyon na nursing at ang kanilang provincial nursing scholarship program.
MAKI-BALITA: Hirit ng MisOr Gov. na para sa magagandang babae lang ang nursing, umani ng reaksiyon
Dahil dito, nitong Lunes, Abril 7, nang ilabas ng Comelec ang show cause order para kay Unabia.
Binanggit ng Comelec ang Resolution No. 11116, na may kaugnayan sa Republic Act. No. 9710 o ang Magna Carta of Women, Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act at ang Supreme Court Decision in Deduro v. Vinoya, na nagbibigay-kahulugan sa mga terminong "discrimination against women," "gender-based harassment," at "labeling.”
Binigyan si Unabia ng tatlong araw upang magbigay ng paliwanag kung bakit hindi dapat maihain laban sa kaniya ang isang complaint for election offense at/o petition for disqualification.
Kasalukuyang tumatakbo si Unabia para sa kaniyang ikalawang termino bilang gobernador ng Misamis Oriental.