TAGOLOAN, MISAMIS ORIENTAL — Muling pinagtibay ni senatorial candidate Camille Villar ang kanyang pangakong isusulong ang agrikultura, edukasyon, at maliliit at katamtamang-laking negosyo (SMEs) bilang pangunahing prayoridad sa kanyang legislative agenda, sa kanyang pagbisita sa Tagoloan, Misamis Oriental nitong weekend.
Sa harap ng mga lokal na opisyal at residente, binigyang-diin ni Villar ang kahalagahan ng pamumuhunan sa mga sektor na direktang nagpapalago sa mga komunidad at nagtutulak ng pag-unlad mula sa ibaba.
“Ang agrikultura, edukasyon, at maliliit na negosyo ay susi sa tunay na inklusibong pag-unlad at pangmatagalang progreso,” ani Villar. “Ito ang mga sektor na direktang nakakaapekto sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino—at ito rin ang magiging sentro ng aking trabaho sa Senado.”
Nagpasalamat si Villar sa mainit na pagtanggap mula sa mga opisyal at mamamayan ng lalawigan sa kanyang dayalogo. Kabilang sa mga nakasama niya sina Misamis Oriental First District Representative Christian Unabia at mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan tulad ng Gutalac, Balingasag, Initao, Salay, Naawan, Villanueva, Claveria, Talisayan, Binuangan, Magsaysay, Kinoguitan, at Lagonglong.
Binigyang-diin din ni Villar na ang SMEs ang pundasyon ng ekonomiyang Pilipino, dahil sa kanilang kakayahang lumikha ng trabaho at pasiglahin ang lokal na kaunlaran.
“Kapag sinusuportahan natin ang SMEs, sinusuportahan natin ang mga pamilya, ang mga komunidad, at binubuo natin ang mas matibay na kinabukasan para sa ating bansa,” aniya.
Tiniyak din ni Villar sa Misamis Oriental na hindi ito mapag-iiwanan sa kanyang pambansang plataporma, at nangakong magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan at pagtutulungan sa lalawigan.
“Salamat po sa pagbabahagi ninyo ng inyong mga adbokasiya. Hindi ko po ‘yan makakalimutan. Makaaasa po kayo na kahit saan ako makarating, babalik at babalik ako sa Misamis Oriental,” ani Villar.
Ang pagbisita ay bahagi ng mas malawak na kampanya ni Villar na makinig sa mga komunidad sa buong bansa at bumuo ng mga polisiya na nakasentro sa tao, nakaugat sa pagkakabuklod, katatagan, at oportunidad.