Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) si Batangas gubernatorial candidate Jay Ilagan na magpaliwanag kaugnay ng naging pahayag niyang “laos” na ang kaniyang kalabang si Vilma Santos-Recto.
Matatandaang sa isang campaign activity noong Marso 29, sinabi ni Ilagan–incumbent vice mayor ng Mataas na Kahoy, Batangas–na hindi umano siya takot sa kalaban niyang si Santos-Recto dahil laos na raw ito.
“Ang aking kalaban ay isang Vilma Santos lang na laos na. Hindi ako takot. Kung ang aking kalaban ay si Kathryn Bernardo pero ang aking kalaban ay isang Vilma Santos lang na laos na. Hindi ako takot. Kung sa Kathryn Bernardo at si Andrea Brillantes ay takot ako. Pero Vilma Santos, marami naman sa mga fans niya ang namamahinga na rin ang iba rin naman ay syempre nasa edad yan. At saka lagi ang sasabihin ko sa inyo ay iba ang governor na nahihipo…,” ani Ilagan.
Sa show cause order na inilabas nitong Lunes, Abril 7, binanggit ng Comelec na posibleng lumabag sa Resolution No. 11116 o ang “anti-discrimination and fair campaign guidelines for purposes of the 12 May 2025 national and local elections and BARMM parliamentary elections.”
Dahil dito, binigyan si Ilagan ng tatlong araw upang magbigay ng paliwanag kung bakit hindi dapat maihain laban sa kaniya ang isang complaint for election offense at/o petition for disqualification.
Kamakailan lamang naman ay napabalitang tila hindi na raw nagsayang pa ng oras si Santos-Recto upang sagutin ang nasabing banat ni Ilagan.
MAKI-BALITA: Vilma Santos, dinedma kalabang sinabihan siyang ‘laos’ na
Samantala, nito lamang ding Lunes ay naglabas din ng show cause order ang Comelec laban naman kay Misamis Oriental Gov. Peter Unabia dahil sa naging mga pahayag nito tungkol sa mga nurse at Moro.
MAKI-BALITA: Comelec, pinagpapaliwanag si MisOr Gov. Unabia sa pahayag nito ukol sa mga nurse, Moro