April 07, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ang mga kuwento ng himala ni Hesus mula sa Bibliya

ALAMIN: Ang mga kuwento ng himala ni Hesus mula sa Bibliya
Photo courtesy: Pexels

Mula sa mga pangaral at parabulang ibinahagi ni Hesus, laman din ng Bibliya ang umano’y mga himalang kaniyang ipinamalas, mula sa pagpapalakad kay Pedro sa tubig, pagpapagaling sa mga may karamdaman at pagbuhay ng patay.

Narito ang mga himalang ginawa ni Hesus, mula sa harapan ng kaniyang inang si Maria hanggang sa kahuli-hulihang tala ng Bibliya bago siya tuluyang ipako sa krus.

Ang tubig na ginawang alak (Juan 2:1-11)

Ayon sa libro ng Juan 2:1-11, ito ang kauna-unahang himalang ipinakita ni Hesus kung saan ginawa niyang alak ang tubig sa isang kasalan sa Canaan. Sinasabing lumapit umano sa kaniya ang inang si Maria at iginiit na wala ng alak pang natitira sa nasabing selebrasyon. Kung kaya’t ipinag-utos Niyang kuhanin ang tinatayang anim na banga at lagyan ito ng tubig. Nang tikman ng pinuno ng selebrasyon ang tubig sa banga, ay naglasang alak ito at ipinamahagi sa mga bisita.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit mahalaga ang pagdiriwang ng Eid'l Fitr sa mga Muslim?

Ang pagpapagaling sa may sakit

Ilang mga libro rin mula sa Bagong Tipan sa Bibliya ang nagsasaad ng pagpapagaling ni Hesus sa mga taong naniwala sa kaniya.

Ayon sa Mateo 8:2-3, lumapit at lumuhod sa harapan ni Hesus ang isang lalaking may sakit na ketong at saka Niya ito hinawakan upang gumaling. Isinaad naman ng libro ng Marcos 5:25-34 ang pagpapagaling ni Hesus sa isang babaeng 12 taon nang nakakaranas ng pagdurugo. Ayon sa Bibliya, sa kapal ng mga taong sumalubong kay Hesus, nagnanais na lamang umano ang babae na mahawakan man lang ang damit nito sa paniniwalang gagaling siya. Nang maramdaman ni Hesus na may kapangyarihan umanong lumabas sa Kaniya, tinanong niya ang mga taong nakapagligid sa Kaniya kung sino umano ng humipo sa kaniyang damit. Sa takot ng babae, agad siyang nagpatirapa sa harapan ni Hesus at inamin ang ginawa. Saad umano ni Hesus, ang pananampalataya mismo ng babae ang nagpagaling sa kaniyang karamdaman.

Napalakad din ni Hesus ang isang paralisadong lalaki ayon sa tala ng Lucas 5:17-26. Ayon sa Bibliya, nakita umano ni Hesus ang tibay ng pananampalataya ng lalaking paralisadong nasa kaniyang higaan at idinaan sa butas ng bubong sa lugar na kinalalagyan ng Mesiyas. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapaglakad ang lalaki matapos sambitin ni Hesus na pinapatawad na Niya sa mga kasalanan ang lalaki. 

Ayon sa Libro ng Lucas 22:50-51, isa sa mga disipulo ni Hesus ang tumaga sa tainga ng punong saserdote nang gabing darakpin na Siya matapos ipagkanulo ni Judas. Pinagaling at muling naikabit ni Hesus ang tainga ng lalaki.

 Ang paglakad sa tubig

Ayon sa libro ng Mateo 14:22-33, lumakad si Hesus sa karagatan papunta sa bangkang sinasakyan ng kaniyang mga alagad. Nang makita Siya ng mga ito, sinubukan ni Pedrong lumakad sa tubig habang inaabot ang kamay ni Hesus ngunit bahagya siyang lumubog nang manaig ang takot niya dahil sa lakas ng hangin. Dito umano kinuwestiyon ng Tagapagligtas. kung gaano raw kaliit ang pananampalataya ni Pedro sa pagtangan sa Kaniya. 

Ang pagpapatigil sa bagyo

Ayon sa mga tala ng Marcos 4:35-41, lulan ng isang barko sina Hesus at Kaniyang disipulo nang bayuhin sila ng malakas na hangin at ulan. Habang nagkakagulo ang Kaniyang mga alagad dahil sa takot, isa sa kanila ang gumising kay Hesus. Ngunit, laking gulat nila nang patigilin ni Hesus ang malakas na hangin at naging banayad na ang kanilang pagtawid sa karagatan.

Ang pagbuhay kay Lazarus

Isa sa mga kilalang kuwento ng himala ni Hesus ang pagbuhay umano kay Lazarus dahil ito rin ang kauna-unahang pagkakataong naitala sa Bibliya ang Kaniyang pagluha. Ayon sa libro ng Juan 11:17-44, apat na araw na umanong patay noon si Lazarus nang buhayin siya ni Hesus. Pinuntahan ni Hesus ang libingan ni Lazarus kung saan inutusan Niya itong lumabas mula sa kaniyang Yungib at muling mabuhay. 

Ang pagpapakain sa 5,000 katao

Ayon sa libro ng Juan 1:1-14, sinundan si Hesus ng tinatayang 5,000 tao ngunit wala silang maipapakain para sa kanila. Isang lalaki lamang daw noon ang may dalang dalawang isda at limang tinapay. Sa pamamagitan nito, nagawang pakainin ni Hesus ang naturang dami ng tao maging ang kaniyang 12 disipulo.

Ang pagpapalayas ng demonyong sumapi sa isang lalaki

Batay sa tala ng Marcos 5:1-20, dumating sina Hesus sa Geraseno, kung saan may isang lalaki umano ang sinasaniban ng ilang masasamang espiritu. Mula sa katawan ng lalaki, ay inutusan umano ni Hesus ang mga masasamang espiritu na lumipat sa katawan ng mga baboy na nasa di kalayuan ng kanilang lokasyon. Matapos nito ay nagtatakbo ang mga sinapiang baboy patalon sa burol. 

Sa kabila ng mga pangaral na narinig at nasaksihan ng sanlibutan mula kay Hesus, maraming nagsasabing pawang ang mga tao ring ito ang umusig sa Kaniya kapalit ni Judas Barabas upang mapalaya at ipako sa Krus. Matapos ang kaniyang naging pagpanaw, ayon sa Mateo 28:1-10, muling nabuhay si Hesus sa ikatlong araw at nagpatuloy ang Kaniyang himala sa pamamagitan ng Kaniyang mga salitang ipinakalat ng mga disipulo Niya mula sa iba't ibang panig ng mundo.