Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na sa pagbabalik niya ng Pilipinas ay handa siyang dumalo sa susunod na pagdinig ng Senado hinggil sa naging pag-aresto sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands noong Biyernes, Abril 4, na inulat ng Manila Bulletin, inihayag ng bise presidente na inimbitahan siya ni Senador Imee Marcos, chairperson ng Senate Committee on Foreign Affairs, na dumalo sa naging ikalawang pagdinig ng Senado noong Abril 3.
Samantala, hindi raw siya nakadalo dahil sa kaniyang hectic schedule at maging sa pagkakaiba ng oras sa Pilipinas at sa The Hague, kung saan kasalukuyan siyang nananatili para kay FPRRD na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
"Unfortunately, the last four days dito, medyo hectic na siya kasi tinatapos na namin yung organization at sistema," ani Duterte.
"At saka 3 a.m. kasi sa oras natin dito yung kanilang hearing doon. So medyo mahirap talaga siya para sa akin na umattend.”
"Kung meron namang future hearings na meron silang tanong sa akin, tulad ng kung anong nangyari sa Hong Kong or anong nangyari pagdating ni [dating] pangulong Duterte sa Manila, willing naman po ako sumagot," saad pa niya.
Matatandaang noong Biyernes, Abril 4, nang sabihin ni Duterte na handa na siyang bumalik ng Pilpinas dahil tapos na raw ang kaniyang trabaho sa The Hague hinggil sa kaniyang ama.
MAKI-BALITA: VP Sara, handa nang bumalik sa Pilipinas: 'My task is done!'
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD