“It's either nagpaplastikan kami or it's really beyond friendship…”
Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na magkaibigan pa rin sila ni Senador Imee Marcos sa kabila ng mga nangyayaring gusot sa politika sa pagitan ng kanilang mga pamilya.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands noong Biyernes, Abril 4, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Duterte na hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila ni Marcos.
"Magkaibigan pa rin kami hanggang ngayon. Wala namang problema doon,” anang bise presidente.
"I do not know her side, but I would like to believe that the friendship is already beyond politics," dagdag niya.
Sinabi rin ng bise presidente na bukas pa rin ang komunikasyon nila ng senadora.
"Dalawa lang yun. It's either nagpaplastikan kami or it's really beyond friendship. I would like to believe that it's beyond politics already," saad ni Duterte.
Matatandaang ang kapatid ni Marcos na si Pangulong Bongbong Marcos at si Duterte ang naging mag-running mate noong 2022 elections sa ilalim ng “UniTeam.” Samantala, nagsimulang maging usap-usapan ang pagkabuwag ng relasyon ng dalawa nang magbitiw si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at bahagi ng gabinete ni PBBM.
Samantala, noong Martes, Marso 11, nang arestuhin ang ama ng bise na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dinala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague dahil sa bisa ng arrest warrant ng ICC dahil sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon nito.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Sinabi naman kamakailan ni PBBM na nakipagtulungan lamang sila sa Interpol sa pag-aresto sa dating pangulo dahil sa commitment nila rito.
Samantala, kasalukuyang pinangungunahan ni Sen. Marcos ang imbestigasyon sa Senado kaugnay ng naturang naging pag-aresto kay FPRRD.