Dalawang beses na nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Abril 6.
Base sa 24 oras na pagmamanman ng Phivolcs, isiniwalat nitong nananatiling mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
Nito lamang Sabado, Abril 5, umabot sa 13 hanggang 24 minuto ang haba ng dalawang beses na pagbuga ng abo ng bulkan.
Bukod dito, nakapagtala ito ng 12 volcanic earthquakes kabilang na dalawang volcanic tremors na may habang 13 hanggang 24 minuto.
Naglabas din ang bulkan ng 2,077 tonelada ng sulfur dioxide.
Dagdag ng Phivolcs, walang patid sa pamamaga ang bulkan at naglabas ito ng plume na may taas na 400 metro at napapadpad patimog-kanluran.
Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!