Usap-usapan ang umano'y pagkidnap sa isang big time na Filipino-Chinese steel magnate habang kumakain daw sa isang seafood hotspot sa Metro Manila.
Saad sa blind item at ulat ng "Bilyonaryo" na inilathala ngayong Linggo, Abril 6, tahimik na pinag-uusapan sa elite business circle ang pagdukot sa nabanggit na steel magnate at major benefactor ng philanthropic projects ng kaniyang kompanya.
Ang nabanggit na steel magnate, na batay sa ginamit na panghalip sa ulat ay "his" o isang lalaking hindi pinangalanan, ay aktibong lider din ng isang Filipino-Chinese business group.
Sinasabi ring ang sangkot na grupo sa pangingidnap ay grupo ring dumukot sa isang estudyante sa isang exclusive British school kamakailan.
Habang isinusulat ang artikulong ito, nananatili raw nasa kamay ng kidnappers ang nabanggit na negosyante, na may tahimik na "ongoing negotiations" daw.
Matatandaang nasabi ng singer-performing artist na si Eva Marie Poon na nababahala siya sa mga kidnapang nagaganap sa Chinese at Filipino-Chinese community na hindi raw nababalita at tila may "usual blackout."
MAKI-BALITA: Eva Marie Poon, sinabing may kidnapan sa Chinese community pero walang kabali-balita rito
Sa kaugnay na balita, matatandaang noong Pebrero 20, 2025, isang 14-anyos na Chinese student ang napaulat na dinukot, na nag-aaral sa isang exclusive school sa Taguig City.
Sinasabing pinutulan pa ng daliri ang biktima nang tumangging magbigay ng ransom ang pamilya sa mga kidnapper.
MAKI-BALITA: Kinidnap na foreign student, pinutulan ng daliri nang 'di magbigay ng ransom mga magulang sa mga kidnapper
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil noong Pebrero 26, naibalik na sa kaniyang pamilya ang estudyante at dinala raw ito sa ospital para sa medical examination.
Ang nangyari raw na kidnapping ay isang "crime syndicate" lamang, saad naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
MAKI-BALITA: Chinese student na kinidnap, nakabalik na sa magulang; walang binayaran na ransom