Sinupalpal ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang naging hirit ni Misamis Oriental Gov. Peter Unabia na para lamang sa “magagandang babae” ang nursing profession, at sinabing hindi “physical appearance” ng mga nurse ang problema kundi ang “pangit na pamamahala.”
Usap-usapan ngayon sa social media ang naging pahayag ni Unabia sa isang proclamation rally noong Abril 3 kung saan sinabi niyang para sa magagandang babae lamang ang kanilang kanilang provincial nursing scholarship program dahil lalala umano ang sakit ng “lalaking pasyente” kung hinarap ng “pangit na nurse.”
“Kining nursing, para ra ni sa mga babaye, dili pwede ang lalaki. At, kato pa gyud mga babaye nga gwapa (Itong nursing, para lang ito sa mga babae, hindi pwede ang lalaki. At, at saka yung talagang mga babaeng magaganda),” ani Unabia.
“Dili man pwede ang maot, kay kung luya na ang mga lalaki, atubangon sa pangit nga nurse, naunsa naman, mosamot atong sakit ana (Hindi pwede ang pangit, kasi kung nanghihina ang mga lalaki, nakaharap sa pangit na nurse, e ano, lalong lalala ang sakit niyan),” saad pa niya.
MAKI-BALITA: Hirit ng MisOr Gov. na para sa magagandang babae lang ang nursing, umani ng reaksiyon
Sa isang pahayag nitong Linggo, Abril 6, tinawag ni Brosas na isang “gross display of misogyny and discrimination” ang nasabing pahayag ni Unabia.
“This is a gross display of misogyny and discrimination. Ito ay tahasang pambabastos, hindi lang sa mga nars, kundi sa buong hanay ng kababaihan,” ani Brosas.
“Ang pagiging nurse ay batay sa kakayahan, kaalaman, at malasakit, hindi sa itsura. Hindi physical appearance ng nurses ang problema ng ating health system, kundi ang ‘pangit’ na pamamahala at pagpapabaya ng gobyerno sa kalusugan ng mamamayan,” saad pa niya.
Binanggit din ng mambabatas ang mga pahayag ni Unabia bilang sumasalamin sa nakaraang insidente na kinasangkutan ng tumatakbong kongresista sa Pasig City na si Atty. Christian "Ian" Sia na puwedeng sumiping sa kaniya ang mga nalulungkot na solo parent na nireregla pa.
MAKI-BALITA: Gabriela sa joke ng Pasig bet sa single moms: ‘Di katanggap-tanggap at lalong ‘di nakakatawa!’
“Paulit-ulit na nating naririnig ang ganitong mga sexist remarks mula sa ilang kandidato. Nakakalungkot at nakakagalit na sa halip na plataporma, pambabastos ang ibinabandera. Ito ay malinaw na senyales kung gaano kalalim pa rin ang ugat ng misogyny sa ating gobyerno,” giit ni Brosas.
Habang sinusulat ito’y wala pa namang paliwanag si Unabia hinggil sa naturang viral video niya.