Nagbigay ng paglilinaw si human rights lawyer Atty. Kristina Conti kaugnay sa pagtayong saksi ng ilang biktima ng war on drugs sa hinaharap na kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang Facebook post ni Conti noong Sabado, Abril 5, pinabulaanan ni Conti ang paratang na pera umano ng gobyerno ang gagastusin ng mga tetestigo sa kaso ni Duterte patungong The Hague, Netherlands.
“Hindi gobyerno ng Pilipinas ang gagastos sa witness, kundi ang ICC mula sa kanilang pondo. Napaka-strikto ng ICC sa kwalipikasyon bilang witness, at lalong mas strikto sa kwalipikasyon kung ipapasok sa witness protection program kung saan maraming bawal,” saad ni Conti.
Dagdag pa niya, hindi raw biro ang magsilbing testigo sa ICC at hindi ito maikokonsider bilang isang simpleng pagbabakasyon sa lang sa ibang bansa.
“Hindi sila maco-consider na bakasyunista, kasi wala silang laya sa sked at maraming limitation sa movement. Hindi rin sila maco-consider na freeloaders, kasi ang kapalit nito ay kawalan ng kabuhayan, security threats, at psychological trauma,” aniya.
Kaya panawagan ni Conti, huwag daw sanang ilihis ang isyu sa patayang iminandato ng dating pangulo. Kung may gusto man daw na magsampa ng kaso laban sa ICC ay malaya naman daw na magagawa nino man.
“Basta maging handa po sa trabaho, dahil hindi sapat ang comments sa Facebook para maging basehan ng kaso,” pahabol pa niya.