Nagbigay ng babala sa mga magulang ang National Privacy Commission (NPC) kaugnay sa mga contest na inilulunsad sa social media.
Sa latest Facebook post ng NPC noong Huwebes, Abril 3, sinabi nilang delikado umano ang mga post na nanghihikayat sa mga magulang na ikomento ang larawan ng kanilang babies kapalit ng pera o premyo.
“Maaaring magamit ang pictures sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC),” saad ng NPC.
Dagdag pa nila, “Nagbibigay ito ng impormasyon na available sa publiko at maaaring magamit ng masasamang loob.”
Kaya paalala ng NPC, mag-isip muna bago mag-post. Hinikayat din ng komisyon ang mga magulang na protektahan ang privacy at digital future ng kanilang mga anak.