Muling nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island nitong Biyernes, Abril 4, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa isang X post, nagbahagi ang Phivolcs ng time-lapse footages ng dalawang beses na ash emissions sa summit crater ng Kanlaon.
Nangyari ang naturang pagbuga ng abo sa bulkan dakong 12:12 ng madaling araw at 5:10 ng umaga nitong Biyernes.
“Both events lasted 18 minutes and generated plumes that rose 100 meters above the crater before drifting Southwest as recorded by the Thermal Camera in Lower Masulog (VKLM) observation station in Canlaon City,” anang Phivolcs.
Nananatili naman ang alert status ng bulkan sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
Dahil dito, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!