ILOILO CITY — Sa nalalapit na halalan sa kalagitnaan ng 2025, nakatanggap ng malaking suporta si senatorial candidate Camille Villar mula sa mga kilalang lider ng Iloilo City sa Western Visayas, matapos siyang i-endorso sa kickoff rally ng Team Uswag na ginanap sa makasaysayang Iloilo Freedom Grandstand nitong Biyernes.
Mainit na tinanggap si Villar, isang batang mambabatas at negosyante, ng mga kandidato ng Team Uswag sa pangunguna ni mayoral aspirant Inday Raisa Treñas at kasalukuyang Vice Mayor Jeffrey Ganzon sa kanilang proclamation rally. Ang kanyang presensya ay nagpapakita ng lumalawak na suporta sa kanyang plataporma sa mga rehiyonal na balwarte.
“Suportahan naton sang todo todo para sa Senado Camille Villar, #66! Together, we can create positive change!” sigaw ni Raisa Treñas sa masiglang mga tagasuporta.
Nagpahayag din ng buong suporta ang Uswag Ilonggo party-list na pinamumunuan ni Rep. James “Jojo” Ang, at nangakong ikakampanya si Villar sa kanilang mga kasamahan at kababayan.
Sa kanyang talumpati, muling iginiit ni Villar ang kanyang pangakong isusulong ang mga batas na tututok sa kabuhayan, paglikha ng trabaho, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at reporma sa edukasyon. Binigyang-diin rin niya ang adbokasiya para sa abot-kayang pabahay para sa lahat ng pamilyang Pilipino.
“Patuloy kong isusulong ang mga programang magbibigay ng kabuhayan, trabaho, at tahanan para sa bawat pamilyang Pilipino,” aniya, sabay banggit ng kanyang mahabang karanasan sa gobyerno at pribadong sektor.
Taglay ang higit 15 taong karanasan sa serbisyo publiko at negosyo, layunin ni Villar na magdala ng makabago at praktikal na pananaw sa Senado sakaling siya’y mahalal.
“Handa po akong maging bagong boses ninyo sa Senado—isang tinig na makikinig, kikilos, at maghahatid ng solusyon sa tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan,” wika pa niya.
Bilang pinakabatang kandidato sa pagka-senador, ang mensahe ni Villar ay tumimo sa damdamin ng mga kabataan at kababaihang naghahanap ng bagong pananaw sa pambansang pamamahala.
Ang kanyang pagbisita sa Iloilo ay bahagi ng patuloy na paglakas ng kanyang kampanya, na nakabatay sa isang plataporma ng inklusibong kaunlaran at praktikal na reporma.