Nagbanta si reelectionist Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na maaari umanong managot ang may ari ng ng eroplanong sinakyan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang maaresto siya at dalhin sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa ikalawang pagdinig ng Senado noong Huwebes, Abril 3, 2025 sa imbestigasyon ng umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, iginiit ni Dela Rosa na maaari umanong managot kay US President Donald Trump ang may-ari ng eroplanong may tail number na RP-C5219.
“Siguro naman it is the moral obligation of this committee also to share our findings of this committee to President Donald Trump para kung sino man ang may-ari nitong Gulf Stream na ‘to na eroplano, ay kung may mga ari-arian ito sa America, eh covered siya sa executive order na pinirmahan ni President Trump… Kung sino man ang may-ari ng eroplano na ‘yan, mananagot siya kay President Trump,” ani Dela Rosa.
Ayon sa executive order na nilagdaan ni Trump noong Pebrero 2025, maaari umanong patawan ng parusa ang sino mang non-American person o organisasyong may direktang pakikipag-ugnayan sa ICC para sa i-detain ang isa “protected person.”
Nakasaad din sa nasabing executive order ang pagtukoy sa isang protected person na maaaring US military personnel, mamamayan ng US North Atlantic Treaty Organization (NAT) at major non-NATO ally kung saan kabilang ang Pilipinas.
Samantala, noong Marso 14 nang kumpirmahin ng Palasyo na ang Office of the President umano ang nagbayad sa chareterd flight ni Duterte papuntang Netherlands.