Ikinadismaya ni Akbayan Partylist first nominee Atty. Chel Diokno ang naging biro ng tumatakbong kongresista sa Pasig City na si Atty. Christian "Ian" Sia sa mga single mother, at sinabing “nakakagulat na abogado pa ang lantarang lalabag sa napakaraming batas.”
Base sa viral video ni Sia, sinabi niya: “Minsan sa isang taon ang mga solo parent na babae na nireregla pa… Nay, malinaw, nireregla pa—at nalulungkot, minsan sa isang taon, pwede pong sumiping sa akin. Yun pong interesado magpalista na po dito sa table sa gilid.”
Kaugnay nito, iginiit ni Diokno sa isang pahayag nitong Biyernes, Abril 4, na walang puwang sa lipunan ang naturang “uri ng pananalita” na binitawan ni Sia.
“Respeto naman sa kababaihan at sa mga solo parent na ginagampanan ang papel ng ama't ina para maitawid ang pangangailangan ng anak,” giit ni Diokno.
Binanggit din ni Diokno na “lantarang” nilabag ng kapwa niya abogado ang mga batas na “‘Safe Spaces Act’ na nagbabawal sa pambabastos sa pampublikong lugar; ‘Code of Professional Responsibility and Accountability’ na nag-uutos sa mga abugado ng paggamit ng dignified, gender-fair, at culturally-sensitive language sa lahat ng konteksto; at COMELEC (Commission on Elections) Resolutions na klarong nagbabawal sa gender-based harassment.”
“Nakakagulat na abogado pa ang lantarang lalabag sa napakaraming batas,” pagbibigay-diin ni Diokno.
“Sa ‘Expanded Solo Parents Welfare Act’- klarong polisiya ng gobyerno na respetuhin at tulungan ang solo parents- at hindi dapat palampasin ang walang habag na pambabastos sa kanila.”
“‘Shock value’ is not an excuse. Itaas natin ang diskurso ng pangangampanya at pagtuunan ang mga isyung mahalaga sa taumbayan. Deserve natin ang mga opisyal na kumikilala sa dignidad ng lahat,” saad pa niya.
Matatandaang nitong Biyernes na nauna nang maglabas ang Comelec ng isang show cause order, at ipinagpapaliwanag si Sia tungkol sa naturang biro niya habang nangangampanya sa Pasig City.
MAKI-BALITA: Atty. Ian Sia, maaaring patawan ng election offense o disqualification
Humingi naman ng paumanhin ang Pasig City congressional candidate nito ring Biyernes, ngunit iginiit na dapat daw sa nag-upload ng viral video magalit ang mga tao dahil hindi raw ipinakita na tumawa ang mga nakarinig sa kaniyang "joke."
MAKI-BALITA: Atty. Ian Sia, sinisi ang uploader ng viral video; di raw pinakita pagtawa ng mga tao