Inamin ni Star For All Seasons Vilma Santos na siya mismo ang kumumbinse sa anak niyang si Luis Manzano na pumasok sa politika.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Huwebes, Abril 3, sinabi ni Ate Vi ang dahilan kung bakit niya pinakandidatong bise-gobernador ng Batangas si Luis.
“Noong hinihingan kasi ako rin na tumakbo ulit, sabi ng mga mayors, 'kahit 3 years lang. Sige na, balik ka lang ng kapitolyo para sa hearts program mo,'” lahad ni Ate Vi.
“Sabi ko, paano kaya 'yon? Iba na ang panahon,” pagpapatuloy niya, “and I'm not getting any younger. Sabi ko, I need a new blood. Kailangan ko ng bagong dugo.
Kaya naisip daw niya ang anak niyang si Luis.
“Naisip ko si Lucky. Kailangan ko 'yong energy niya, 'yong talino...at puso niya,” ani ng Star For All Seasons.
Matatandaang gobernador ng Batangas ang tinatakbuhang posisyon ni Ate Vi habang ang isa pa niyang anak na si Ryan Christian Recto ay nag-aasam namang maging Representante ng District 6 ng nasabing lalawigan.
MAKI-BALITA: Vilma Santos at dalawang anak, naghain na ng kandidatura; raratsada sa liderato sa Batangas