April 04, 2025

Home BALITA

VP Sara, nagkaroon ng oras makasama si FPRRD dahil sa kaso nito kaugnay sa EJK—Usec. Castro

VP Sara, nagkaroon ng oras makasama si FPRRD dahil sa kaso nito kaugnay sa EJK—Usec. Castro
Photo courtesy: PCO, Manila Bulletin file photo

"Mas maganda po siguro kung magpasalamat muna si VP Sara sa kaniyang ama... dahil sa ginawa ng kaniyang ama... 'yon po 'yong naging cause kung ba't sila nasa The Hague."

Para kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, dapat magpasalamat muna si Vice President Sara Duterte sa ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil nabigyan sila ng pagkakataon na magkasamang muli dahil sa kaso nitong "crimes against humanity" sa International Criminal Court (ICC).

Sa panayam ng media kay VP Sara sa The Hague, Netherlands noong Martes, Abril 1, 2025, pinasalamatan niya si Pangulong Bongbong Marcos dahil mas nagkaroon umano siya ng relasyon sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, at nagkapatawaran sila. 

BASAHIN: Dahil daw kay PBBM: VP Sara, FPRRD nagkaroon ng ‘father-daughter’ relationship

Metro

Live-in partners sa Maynila, hinikayat na lumahok sa libreng kasalan sa Hunyo

Samantala, sa isang press briefing nitong Huwebes, Abril 3, sinabi ni Usec. Castro na mas maganda raw ay magpasalamat muna ang bise presidente sa dating pangulo. 

"Mas maganda po siguro kung magpasalamat muna si VP Sara [Duterte] sa kaniyang ama mismo kay dating Pangulong [Rodrigo] Duterte. Dahil kung siya man po ay nagkaroon ng pagkakataon at nagkaroon ng oras kasama ang kaniyang ama ay dahil ito sa kasong EJK," aniya.

"Kung hindi po naganap at hindi nagawa ang sinasabing mga aksyon patungkol sa war on drugs at walang nag-complain, hindi naman din po sila magkakaroon ng pagkakataon na makapunta sa The Hague. So, mas magandang pasalamatan n'yo muna po dahil sa ginawa ng kaniyang ama, sa mga inirereklamo po sa kaniya, 'yon po 'yong naging cause kung ba't sila nasa The Hague," dagdag pa niya.

Kaugnay nito, ipinaabot ni Usec. Castro ang naturang mensahe ni VP Sara kay Pangulong Bongbong Marcos.

"Pero pinaabot po natin ito sa pangulo [Bongbong Marcos]. At ang sabi po niya, 'Glad I could help'."

Matatandaang nananatili sa Netherlands sina VP Sara matapos maaresto si dating Pangulong Duterte noong Marso 11 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa bisa ng arrest warrant na ibinaba ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng naging dugo niyang kampanya kontra droga.

KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Ex-President Duterte na nakatakdang humarap sa confirmation of charges hearing sa darating na Setyembre 23.

KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025