April 04, 2025

Home BALITA National

Tanong ni Cayetano: ‘Pwede bang ang utusan kong hulihin ni Gen. Torre ay si Gen. Torre?’

Tanong ni Cayetano: ‘Pwede bang ang utusan kong hulihin ni Gen. Torre ay si Gen. Torre?’
MULA SA KALIWA: Sen. Alan Peter Cayetano at CIDG chief Nicolas Torre (Photo: Senate/Youtube screengrab, file)

Matapos hindi dumalo ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Brig. Gen. Nicolas Torre III sa Senate hearing hinggil sa nangyaring pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, humirit si Senador Alan Peter Cayetano na maaari ba umanong hulihin ng una ang kaniyang sarili kung sakaling isyuhan ng contempt order ng Senado.

Kasama ni Torre ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga hindi dumalo sa isinagawang ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Huwebes, Abril 3, hinggil sa pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 at pagdala sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Matatandaang nauna nang inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi dadalo ang kanilang mga gabinete sa ikalawang Senate hearing dahil nasagot na umano ng mga ito ang mahahalagang katanungan noong unang pagdinig na nangyari noong Marso 20, 2025.

MAKI-BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee

National

Banta ni Sen. Bato: May ari ng eroplanong sinakyan ni FPRRD papuntang The Hague, lagot kay Trump?

Kaugnay nito, sa kaniyang manipestasyon ay inusisa ni Cayetano ang hindi pagdalo ni Torre na hindi naman daw kasama sa kinuwestiyon din niyang “executive privilege.”

“There are many points regarding other guests. For example, Gen. Torre. He's not covered by executive privilege unless the President talked to him directly,” giit ni Cayetano.

Bukod dito, kinondena ng senador ang naging pagsisilbi ni Torre ng arrest warrant kay Duterte noong Marso 11, at iginiit na paglabag umano ito sa Republic Act No. 7438 o “an act defining certain rights of a person arrested, detained or under custodial investigation, as well as the duties of the arresting, detaining and investigating officers and providing penalties for the violation thereof.”

Binanggit ng senador na nakasaad sa batas na dapat payagan ang sinumang inaresto at dinetine sa ilalim ng custodial investigation na bisitahin ng kahit na sinong miyembro ng kaniyang pamilya o kaniyang medical doctor, o ng pari o religious minister na kaniyang pinili o na pinili ng kaniyang immediate family o counsel.

“Nakalagay dito hindi lang custodial investigation, basta’t arrest or detained. So he was arrested and detained. So even if magdebate tayo na custodial investigation ba yun o hindi. So ang penalty rito is imprisonment of not less than 4 years nor more than 6 years, and a fine of ₱4,000,” ani Cayetano.

“So ang question ko, meron na bang report dito sa arrest at kinasuhan ba si Gen. Torre?” saad pa niya.

Binanggit din ng senador na tila “pinaka-effective” umano si Torre pagdating sa pag-aresto sa ilang mga indibidwal, tulad ni Pastor Apollo Quiboloy at Duterte.

Kaya naman, hirit niya: “Kapag nag-issue tayo ng subpoena at hindi siya mag-attend at kinontempt natin, pwede bang ang utusan kong hulihin ni Gen. Torre ay si Gen. Torre? Kasi effective?” 

Habang sinusulat ito’y wala pa namang tugon o reaksyon si Torre sa naturang mga pahayag ng senador.