Nagbigay ng mensahe si reelectionist Senator Imee Marcos kay Executive Secretary Lucas Bersamin hinggil sa pagpapadalo ng ilang mga gabinete sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, Abril 3, 2025.
Sa pahayag ng Senadora bago tuluyang tapusin ang nasabing pagdinig, tahasan niyang tinawag na duwag na mga opisyal ng gobyernong hindi sumipot nitong Huwebes.
“Kung kaya ng isang matanda na may sakit na harapin ang walang respetong pag-aaresto, bakit ang mga duwag na ito ay wala sa ating harapan?” ani Sen. Imee.
Dagdag pa niya, “Magalit na kayo sa akin, pero hindi ba kaduwagan ang hindi sumipot? Sadyang naging duwag na nga ba talaga ang mga Pilipino? Hindi ako papayag, hindi rin papayag si Senator Bato. Hindi rin ako aatras katulad nila. Ipakita ko na ang Senado ay ang huling baluwarte ng katapangan ng katotohanan.
Inihalintulad din ng senadora ang sigaw ng mga tagasuporta ng dating Pangulo at iginiit na iharap na raw ni Bersamin ang ilang miyembro ng gabinete sa Senado.
“Kung ang sigaw ng sambayanan sa ICC para kay PRRD ay ‘Bring him home!’ Ang sigaw ko sa Secretary Bersamin para sa mga pinoprotektahan niya, ‘Bring them here! Here to the Senate! Now!”
Samantala, nauna nang iminungkahi ni Dela Rosa nito ring Huwebes na ipa-subpoena ang ilang opisyal ng gobyerno na hindi sumipot sa imbestigasyon ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, pinapa-subpoena Cabinet officials na ‘di dumalo sa hearing': 'Wala nang respetuhan ito!'
Kamakailan lang nang kumpirmahin ni Executive Secretary Lucas Bersamin na wala umanong miyembro ng gabinete ang dadalo sa nasabing pagdinig.
KAUGNAY NA BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee