“Nagmimistula tuloy na may cover-up sa mga nangyayari…”
Ito ang iginiit ni Senador Imee Marcos matapos hindi dumalo ang mga gabinete ng administrasyon ng kaniyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos sa Senate hearing hinggil sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagdala sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Huwebes, Abril 3, walang dumalong miyembro ng gabinete at tatlong resource persons lamang ang nagpakita: sina Securities and Exchange Commission (SEC) Chief Counsel Atty. RJ Bernal, SEC Supervising Securities Review Counsel Atty. Ferdino Logie Santiago, at Atty. Alexis Medina.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Imee, chairperson ng komite, sa kaniyang manipestasyon na nirerespeto niya ang “executive privilege” ngunit hindi raw pwede itong gamiting “blanket shielf” ng ehekutibo.
“Nirerespeto ko ang doktrina ng executive privilege pero pakatandaan nating hindi ito pwedeng gamitin bilang blanket shield, pangkalahatang pantago para ilagan ang tanong at umiwas sa paanyaya ng Senado,” aniya.
“Itong landmark case na kabisado naman natin–Senate vs. Ermita, nagtakda ng saklaw ng executive privilege, nagsasaad na bagama’t pwedeng gamitin ng ehekutibo ang pribilehoyo niya sa mga investigation ginagawa sa Congress, maaari ring mapasawalang-bisa kung ang information hinihingi ay mahalaga sa tungkulin ng Kongreso sa paggawa ng batas o pagsagawa ng aming oversight function.”
Binanggit din ng senadora ang kasabihang “hidden truths are unspoken lies,” at sinabing tila may nangyayari umanong “pagtatago sa katotohanan” dahil sa pag-snub ng Cabinet officials sa kaniyang ikalawang Senate hearing hinggil sa nangyaring pag-aresto kay Duterte.
“May sikat na kasabihan: ‘Hidden truths are unspoken lies.’ Ang katotohanang itinatago ay kasinungalingan rin. At mukhang ganoon ang nangyayari ngayon sa pagtatago ng katotohanan gamit ang executive privilege at sub judice. Nagmimistula tuloy na may cover-up sa mga nangyayari,” saad ni Sen. Imee.
Matatandaang nauna nang ihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi dadalo ang kanilang mga gabinete sa ikalawang Senate hearing dahil nasagot na umano ng mga ito ang mahahalagang katanungan noong unang pagdinig na nangyari noong Marso 20, 2025.
MAKI-BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD