April 04, 2025

Home BALITA National

Sen. Bato, planong bisitahin si FPRRD sa ICC: ‘Mag-wig ako para ‘di makilala doon’

Sen. Bato, planong bisitahin si FPRRD sa ICC: ‘Mag-wig ako para ‘di makilala doon’
Courtesy: Sen. Bato dela Rosa/FB

Ibinahagi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na plano niyang bisitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) detention center sa The Hague, Netherlands, at kapag natuloy ay magsusuot daw siya ng wig upang hindi siya makilala.

Sa isang ambush interview sa Senado nitong Huwebes, Abril 3, sinabi ni Dela Rosa na nais niyang mag-apply para sa Schengen visa upang makapunta sa The Hague.

“Mag-try ako mag-apply ng Schengen visa. Kung isyuhan ako, then maybe, well, kung may pagkakataon, before the elections sana makabisita ako sa kanya…baka before or after elections,” ani Dela Rosa.

Nang tanungin naman kung may balakid siya sa pagpunta sa The Hague dahil baka idetine na raw siya doon, sagot ng senador: “Sige lang kung i-detain nila ako don.”

National

Tanong ni Cayetano: ‘Pwede bang ang utusan kong hulihin ni Gen. Torre ay si Gen. Torre?’

“‘Pag magpunta ako doon sa The Hague, mag-wig ako para hindi nila ako makilala doon.”

Humirit pa si Dela Rosa na mayroon pa raw siyang ibang wig na maaaring gamitin upang maitago ang kaniyang pagkakakilanlan.

“Akala n’yo isa lang wig ko? Meron pa akong afro diyan. Tingnan ninyo kapag nag-afro na ako hindi na ako makikilala,” pabirong saad ng senador.

Si Dela Rosa ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) nang iimplementa ni Duterte ang madugong giyera kontra droga sa bansa.

Kaugnay nito, matatandaang kamakailan lamang nang sabihin ng reelectionist na balak niyang magtago at hindi sumuko sa ICC kung isyuhan siya ng warrant of arrest ng ICC dahil ang korte lamang umano ng Pilipinas ang kinikilala niya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD