Hiniling ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Senador Imee Marcos na ipa-subpoena ang mga opisyal ng gabinete ng PBBM admin na hindi dumalo sa ikalawang pagdinig ng Senado hinggil sa nangyaring pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Huwebes, Abril 3, walang dumalong miyembro ng gabinete at tatlong resource persons lamang ang nagpakita: sina Securities and Exchange Commission (SEC) Chief Counsel Atty. RJ Bernal, SEC Supervising Securities Review Counsel Atty. Ferdino Logie Santiago, at Atty. Alexis Medina.
“What we have right now in front of us are empty chairs,” panimula ni Dela Rosa sa kaniyang manipestasyon sa naturang pagdinig.
Iginiit ng senador na isang “tahasang pagbalewala sa doktrina ng checks and balances” ang ginawa ng Cabinet officials na pang-i-snub sa Senate hearing.
“Kung ayaw nilang mag-attend ng hearing, ibig sabihin, ayaw nilang magpapa-check sa ating security branch of government,” ani Dela Rosa.
“Kapag tuluyang ganito ang mangyayari, I think we are now on the verge of a constitutional crisis kapag tuluyan nilang i-snub ang ating imbitasyon. Wala nang mangyayari. Wala nang respetuhan ito sa isang kapwa co-equal branch of government.
Dahil dito, hiniling ni Dela Rosa ang pagpapa-subpoena sa naturang mga opisyal ng gobyernong hindi dumalo sa pagdinig upang maobliga raw ang mga itong dumalo kung magkaroon muli ng susunod na pagdinig.
“Dapat ma-subpoena sila para magka-alaman. Klaruhin natin ito,” saad pa niya.
Matatandaang nauna nang inihayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi dadalo ang kanilang mga gabinete sa ikalawang Senate hearing dahil nasagot na umano ng mga ito ang mahahalagang katanungan noong unang pagdinig na nangyari noong Marso 20, 2025.
MAKI-BALITA: Mga miyembro ng gabinete ni PBBM, 'di sisipot sa pa-Senate hearing ni Sen. Imee
Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin noong Martes, Marso 11, upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Si Dela Rosa ang tumayong hepe ng Philippine National Police (PNP) nang iimplementa ang naturang war on drugs sa bansa noong 2016.