Masayang nakasalamuha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang mga bata sa isang storytelling event sa Malacañang kasama ang Presidential dogs nitong Huwebes, Abril 3.
Sa isang Facebook post, nagbahagi si Marcos ng ilang mga larawan kung saan makikita ang kaniyang pagbabasa ng aklat na “Ang Limang Tuta” sa mga batang nasa edad tatlo hanggang limang taong gulang na dumalo sa sesyon.
Sa panulat ni Eugene Y. Evasco at pagsasalarawan ni Almar Denso, tinatalakay daw ng “Ang Limang Tuta” ang kahalagahan ng pagiging mabuti at pagkakaroon ng malasakit para sa mga hayop.
Kasama rin ng pangulo sa event ang Presidential dogs na sina “Oreo” at “Lucky.”
“Sa bawat aklat na binubuksan ng isang bata, patuloy na hinuhubog ang kinabukasan ng bayan,” ani Marcos.
“Sa Bagong Pilipinas, sabay-sabay nating tinutupad ang pangarap ng bawat batang Pilipino,” saad pa niya.
Isinagawa ang nasabing storytelling event matapos ang pasinayaan ni Marcos ang paglagda ng Joint Circular sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) para sa pagpapatayo ng 300 Child Development Centers (CDCs) na may layuning magkaloob ng mas magandang espasyo para sa pagkatuto ng mga bata.